DAPAT lang na maamoy ng mga botante ang baho at bango ng mga pulitikong tumatakbo sa darating na halalan sa Mayo 13, 2019 upang makapamili sila ng mga karapat-dapat na opisyal na magpapatakbo sa ating pamahalaan.
Ganito ang halos magkakaparehong saloobin ng mga kababayan natin na nakahuntahan ko sa mga bangketa at mataong kalsada hinggil sa takbo ng pulitika sa ating bansa, at tanungin sila kung paano nila pinipili ang mga kandidato na isinusulat nila sa balota.
Karamihan sa kanila, dahil abala sa paghahanap ng pantawid-gutom sa masalimuot na mundong kanilang ginagalawan, ay walang oras upang lubos na makilala ang mga kandidato, lalo na raw sa ngayon na pakiramdam nila ay limitado lamang para sa may pera na magagasta sa pagkampanya ang madalas na lumabas sa mga media.
“Mas gusto ko nga na nagbabatuhan sila ng mga baho kasi du’n ko malalaman kung sino talaga ang iboboto ko na siyempre, ‘yung konti lang ang pagiging corrupt,” ang sabi ng tindero ng “dirty-ice cream” na si Berong kasunod ang pagtawa nang malakas. “Kaya lang parang ‘di na lumalabas sa mga media ang batuhan nila ng baho, kaya puro mabango ang naamoy natin sa pangangampanya nila,” dagdag pa niya.
Singit naman ng newsboy na si Dencio: “Bawal na sa mga media mangampanya ng mga kandidato, puwede, bayad sila ng advertisement nalang para bumango sila.”
“Kaya pala puro si ____ na lang ang madalas kong marinig sa radyo at mapanood sa TV, dami kasing pera pangampanya,” ang sabi naman ng pinakabata sa grupo na isang kargador.
“Ako, okay lang sa akin ang marami silang poster at tarpaulin sa iba’t ibang lugar, malaki rin ang bayad sa amin para magkabit nu’n eh,” ang sabi ng teenager na nagbebenta ng iba’t ibang kulay na plastic bag sa ‘di kalayuang palengke.
Singit naman ni Mang Boy, may-ari ng maliit na karinderya sa bangketa sa Quezon City na madalas pinag-uumpukan ng grupo kapag nakararamdam ng gutom: “Basta ang tandaan ninyo lang, kapag nagbibigay ng pera ang mga nangangampanyang kandidato, tanggapin lang ninyo nang tanggapin. Tandaan ninyo ang mga pangalan nila para ‘di ninyo maisulat sa balota ang mga pangalan nila. Mga magnanakaw lang ‘yan kaya namumuhunan.”
Tawanan ang grupo, sabay tayo naman ako matapos maubos ang nilantakan kong meryenda – ang umuusok at masarap na lugaw na may tokwa’t baboy.
Habang naglalakad, naglalaro pa rin sa aking isipan ang mga narinig kong palitan ng kuru-kuro ng mga ordinaryong kababayan natin na masasabi kong dahil sa napakalaking sektor nila sa iba’t ibang lugar sa bansa, ay sila halos ang pumipili sa mga pulitikong namumuno sa ating pamahalaan.
Dapat silang magabayan ng pamahalaan o ng media sa pangkalahatan, upang mapasahan ng tamang impormasyon hinggil sa tunay na pagkatao at saloobin ng mga kandidatong kanilang iboboto.
Dahil sa munti nilang pagkakamali, tayong lahat na mga Pilipino ang magdurusa, lalo pa kung ang kandidatong namuhunan nang malaki sa pangangampanya, na pinondohan ng mga ganid na negosyanteng pansariling kapakanan lamang ang palaging isinusulong, ang mapipili nilang mamuno sa ating bayan sa loob ng tatlo hanggang anim na taon.
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: daveridiano@ yahoo.com.
-Dave M. Veridiano, E.E.