Malakas ang ebidensya sa kasong graft na kinakakaharap ni dating Batangas 4th District Rep. Oscar Gozos kaugnay ng umano’y maanomalyang pagbili ng mga farm equipment, noong 2004.
Ito ay nang ibasura ng 2nd Division ng Sandiganbayan ang inihain ni Gozos na demurrer to evidence na humihiling sana na ibasura ang kaso nito dahil umano sa kakulangan ng ebidensya.
Sinabi ng anti-graft court, bumili si Gozos ng apat na Shredder Chipper sa pamamagitan ng sistemang direct contracting sa LCV Design and Fabrication Corporation, na nagkakahalaga ng P3 milyon, noong Abril 12, 2004.
Ang nasabing salapi ay nakalaan sa Farm Input Fund para sa Ginintuang Masaganang Ani Program ng Department of Agriculture (DA).
Sa mosyon ni Gozos, iginiit nito na walang naganap na sabwatan sa kaso at sinabing dumaan ang proyekto sa tamang proseso.
Gayunman, hindi kumbinsido ang hukuman sa paliwanag ni Gozos. "After a careful evaluation of the testimonial and documentary evidence presented by the prosecution, the court is convinced that the same, if unrebutted, is sufficient to sustain the indictment of the accused," paliwanag pa ng korte.
-Czarina Nicole Ong Ki