HINDI lang mga residente sa bahaging silangan ng Rizal at Metro Manila ang nagrereklamo sa kawalan ng tubig mula sa Manila Water (MW) kundi pati mga ospital na lubhang kailangan ang malinis na tubig para sa mga pasyente. Pati mga negosyo ay umaaray na rin.

Sinabi ni Health Sec. Francisco Duque III na limang pagamutan sa Metro Manila ang apektado ng krisis sa tubig. Ang dumaranas ng kakulangan ng tubig o “very low pressure” ayon kay Duque, ay ang Rizal Medical Center (RMC) sa Pasig City; National Center for Mental Health sa Mandaluyong City; at National Kidney and Transplant Institute (NKTI), Philippine Children’s Medical Center at Quirino Memorial Medical Center, lahat ay nasa Quezon City.

oOo

Hinikayat ni Presidential Spokesman Salvador Panelo ang mga paring Katoliko na umano’y nakatanggap ng death threats na i-report ang mga ito sa awtoridad upang maimbestigahan. Binira ni Panelo si Fr. Jerome Secillano, executive secretary ng Permanent Committee on Public Affairs ng CBCP, dahil sa hamon ng pari sa Malacañang na patunayang ang mga banta ay hindi galing sa Palasyo.

Badya ni Panelo: “Sa batas, ang nagrereklamo ang dapat magpatunay.” Dagdag pa ni Spox Panelo: “Dahil ang mga pari ang nag-aakusa na ang gobyerno o ang Pangulo ang nasa likod ng death threats, dapat ay sila ang magpatunay sa kanilang akusasyon.”

Sa isang press conference noong isang linggo, inihayag ng tatlong paring Katoliko—sina Fr. Albert Alejo, Fr. Flavie Villanueva, at Fr. Robert (running priest) Reyes, na sila ay nakatanggap ng death threats sapul nang punahin nila ang madugong drug war ni PRRD.

Maging si Caloocan City Bishop Pablo Virgilio David, kritiko ng Pangulo, ay nagkumpirmang nakatanggap din ng banta, gayundin si Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas. Isa rin siyang kritiko ni PDu30.

Kamakailan, sinabi ng Presidente na siya ang makakalaban ng sinuman, kanto-boy, o istambay, na mananakit sa mga pari o obispo. Taliwas ito sa nauna niyang pahayag noon nang udyukan niya ang mga tambay na abangan at saktan ang mga pari at obispo na mayayaman. Ngayon, nais ng ating Pangulo na bigyan ng proteksiyon ang mga pari at madre.

oOo

Inuulit natin na kung noon ay nataranta at nahilo ang mamamayan sa kakulangan o kawalan ng bigas, kontrobersiya sa Dengvaxia at epidemya ng tigdas, heto naman ngayon ang kawalan ng tubig na bunsod daw, ayon sa Manila Water, ng El Niño at tag-init. Mga taga-MW, eh bakit ang Maynilad ay sapat ang supply ng tubig at hindi sinisisi ang El Niño at tag-araw?

oOo

Ang mga Pilipino ay matiisin, mapagpatawad at madaling makalimot. Sana sa eleksiyon sa Mayo 13, pag-aralan at suriin ninyong mabuti ang ibobotong kandidato sa pagka-senador. Huwag patangay o pabola sa matatamis na salita, sa galing ng talumpati, sa mga buladas at pangako na hahanguin ang mahihirap sa abang kalagayan nila ngayon!

-Bert de Guzman