Noong Nobyembre 2017, isang gunman ang namaril sa kongregasyon ng First Baptist Church sa Sutherland, Texas, sa Amerika, kung saan nasawi ang nasa 26 na tao at nasugatan ang 20 iba pa. Ito ang naitalang pinakamalalang pamamaril sa isang lugar sambahan sa Amerika sa modernong kasaysayan.
Makalipas ang isang taon, noong Oktubre 2018, napatay ng isang gunman ang 11 mananampalataya habang anim ang nasugatan sa Tree of Life synagogue sa Pittsburgh, Pennsylvania, sa Amerika, ang itinuturing na pinakamalalang pag-atake laban sa komunidad ng mga Amerikanong Hudyo sa kasaysayan ng Amerika.
Sa panahon ng mga pag-atake, ikinatatakot na ang penomena ng Islamic terrorism na iniluwal ng nagpapatuloy na digmaan sa Gitnang Silangan na pinangungunahan ng Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) ay nagsisimula nang kumalat sa buong mundo. Nakarating na ito sa Pilipinas nang kubkubin ang St. Mary’s Cathedral ng ISIS-inspired na rebeldeng grupo ng Maute, na umokupa sa lungsod ng Marawi sa loob ng anim na buwan.
Nitong Biyernes, dalawang gunmen ang umatake sa Al Noor Mosque sa Christchurch, New Zealand, at isa pang mosque sa suburban Linwood, habang nagtitipon ang mga mananampalatayang Muslim para sa kanilang panalangin tuwing Biyernes. Napatay ng mga gunmen ang nasa 50 mananampalataya sa pinakamalalang kaso ng pamamaril sa bansa.
Marami nang naganap na kaso ng pamamaril sa ilang mga bansa, marami sa mga paaralan sa Amerika, ngunit walang dudang karumal-dumal ito dahil isinagawa ito sa lugar ng sambahan, laban sa mga taong nagtitipon upang manalangin.
Kinondena ng mga politiko at lider ng relihiyon sa buong mundo ang naganap na pamamaril sa mosque, nagpahayag ng pangamba ang mga lider ng Islam tulad ni Pakistan Prime Minister Imran Khan, hinggil sa pagkalat ng Islamophobia mula ng maganap ang pag-atake sa USWorld Trade Center sa New York City noong Setyembre 11, 2001. Nariyan din ang maraming sigalot o pagtatalo sa iba’t ibang bahagi ng mundo sangkot ang mga rebelde na sinasabing pinukaw ng grupo ng ISISna ilan taon nang naglalaban sa Syria at Iraq, sa Libya sa North Africa at ngayon sa TimogSilangan ng Asya.
Ang pagpatay sa Baptist Church sa Texas noong 2017 at sa synagoga sa Pennsylvania noong 2018 ay malawakang kinondena bilang pag-atake sa mga inosenteng tao na nagtipon para sa pagsamba at panalangin. Ang pamamaril sa dalawang mosque sa Christchurch ay katulad na pag-atake sa mga mapayapang biktima ng isa pang pananampalataya.
Ikinakatakot ngayon ng mga lider ng Islam sa mundo na ang nagganap na pag-atake sa mosque ay resulta ng lumalagong takot, kung saan kolektibong sinisisi ang 1.3 bilyong Muslim sa buong mundo para sa anumang uri ng terorismo. Dalangin natin na ang takot na inihayag ng Prime Minister ng Pakistan ay hindi isinilang ng mga sunod-sunod na kaganapan, dahil ang isang sigalot o pagtatalo na base sa relihiyon ay pinangangambahang magdudulot ng trahedya sa sangkatauhan.