Pinag-aaralan ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System kung paano mapapanagot ang Manila Water Company, Inc. sa krisis sa tubig sa ilang lugar sa Metro Manila at Rizal.

AN’YARE BA? Humarap ngayong Martes sina MWSS Administrator Reynaldo Velasco (gitna), MWSS Chief Patrick Ty (kanan) at Manila Water President-CEO Ferdinand Dela Cruz sa imbestigasyon kaugnay ng water shortage sa Metro Manila at Rizal, sa Senado sa Pasay City. (CZAR DANCEL)

AN’YARE BA? Humarap ngayong Martes sina MWSS Administrator Reynaldo Velasco (gitna), MWSS Chief Patrick Ty (kanan) at Manila Water President-CEO Ferdinand Dela Cruz sa imbestigasyon kaugnay ng water shortage sa Metro Manila at Rizal, sa Senado sa Pasay City. (CZAR DANCEL)

Sinabi ni MWSS Chief Regulator Patrick Ty sa pagdinig ngayong Martes ng Senate Committee on Public Services na pinag-aaralan na nila ang mga posibleng parusa na ipapataw sa east zone water concessionaire alinsunod sa kanilang kasunduan.

Ito ang naging paglilinaw ni Ty makaraang kuwestiyunin ni Senate President Vicente Sotto III ang mga naging pahayag niya sa pagdinig ng Kamara sa usapin nitong Lunes, nang sinabi niyang hindi maaaring papanagutin ng MWSS ang Manila Water dahil sa kawalan ng probisyon na nagpapahintulot sa kanilang magpatupad ng penalties.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Partikular na binanggit ni Sotto ang Article 10, Section 10.4 ng concession agreement na naglalahad ng mga parusa sa mga water firms na mabibigong tumupad sa kanilang obligasyon.

“A failure by the Concessionaire to meet any Service Obligation which continues for more than 60 days (or 15 days in cases where the failure could adversely affect public health or welfare) after written notice thereof from the Regulatory Office to the Concessionaire shall constitute a basis for the Regulatory Office to assess financial penalties against the Concessionaire,” saad sa nasabing probisyon.

KUMAMBYO

Pinuna rin nina Senators Grace Poe, committee chair, at Risa Hontiveros ang naunang pahayag ni Ty, na dumepensang hindi lamang niya maayos na nailahad ang posisyon niya sa isyu sa House hearing.

“What happened was that I was trying to explained to Congress that I do not have the power to impose fines, I cannot impose fines and if you check the law, there's no penal provision for me to impose fines,” sinabi ni Ty sa mga senador.

“The fines I was mentioning is the fines, the administrative fines that other regulatory offices are empowered to do,” paglilinaw niya.

CUSTOMERS ANG MAKIKINABANG

Ayon kay Ty, karaniwan nang nagpapatupad ang MWSS ng financial penalties sa mandatory rate rebasing, o sa pagtukoy ng bagong singil sa tubig, kada limang taon.

Ang nasabing parusa ay tiyak na pakikinabangan ng mga apektadong customer sa paraan ng rebates, batay pa rin sa Section 10.4, “[to] temper (rate) adjustments,” ani Ty.

Gayunman, tiniyak niyang hindi na nila hihintayin pa ang five-year period dahil “there is no provision that prohibits the regulatory office to do doing it earlier”.

“We are now studying the amount of the penalty that will be imposed, which can be rebated,” sabi ni Ty.

Sa parehong section, ang penalty ay 25-50% ng halaga ng kinukuwestiyong service obligation.

Bagamat sinabing mahalaga pa ring masunod ang “due process” sa kaso ng Manila Water, sinabi ni Ty na makakapagdesisyon na sila sa Hunyo o Hulyo, dahil prioridad nilang tugunan sa ngayon ang krisis sa tubig.

TATALIMA ANG MANILA WATER

Siniguro naman ni Manila Water President-CEO Ferdinand Dela Cruz na tatalima ang kumpanya sa prosesong ipatutupad ng MWSS.

Tinanong ni Hontiveros kung handa bang magpatupad ng refund ang Manila Water.

“What I’ve instructed my team is to explore ways to provide some relief to those affected and the easiest there is an adjustment on the water bill. We are looking into that considering what has happened and we will update this comm and we will discuss this with our regulator on what is reasonable

this is something that is outside the penalty system that we have discussed,” sabi ni Dela Cruz.

Gaya sa pagdinig sa Kamara, inamin din ni Dela Cruz ang mga pagkukulang ng Manila Water at humingi ng paumanhin sa publiko.

REORGANISASYON

Nagmungkahi naman si Poe ng malawakang reorganisasyon sa MWSS, at kailangang magtalaga ng mga eksperto sa ahensiya, dahil pawang abogado ang opisyal nito, at kulang din ang mga inhinyero.

Ayon kay Poe, wala sanang water crisis kung napalitan ang mga may tagas na tubo na milyun-milyong cubic meters ng tubig ang nasasayang.

-Vanne Elaine P. Terrazola at Leonel M. Abasola