“PARA sa legal education ni Villarin at iba pang mga kritiko, sinampahan na ng kaso sa Ombudsman ang mga pulitikong nasa narco-list. Ang pagsiwalat sa kanilang mga pangalan ay para na ring isiniwalat ang pangalan ng mga pinaghihinalaang kriminal. Ang aksiyong ito ay hindi maituturing na labag sa batas at kasalanang pagbatayan ng impeachment. Bukod dito, magkakaroon ng pagkakataon ang mga narco-politician na linisin ang kanilang pangalan,” wika ni Presidential Spokeperson Salvador Panelo sa patutsada niyang hindi naman abogado si Villarin.
Nauna nang sinabi ni Akbayan Rep. Tom Villarin na ang pagbubunyag ng Pangulo sa pangalan ng mga nasa narco-list ay tahasang paglabag ng Pangulo sa Saligang Batas at ito ay batayan para ma-impeach siya. Nilabag daw ng Presidente, aniya, ang karapatan ng indibiduwal sa due process at presumption of innocence.
“Walang matinding dahilan para sa estado na labagin ang kanyang right of privacy gayong mayroon naman tayong mga gumaganang korte na pagsasampahan ng kaso laban sa kanila,” wika pa niya.
Kung tinuya ni Panelo si Villarin sa pagsasabi ng kanyang opinyon dahil hindi naman siya abogado, eh para ring hindi siya abogado nang sagutin niya ito at ang pinatamaan niyang mga kritiko. Hindi puwedeng itulad ang mga pulitikong pinangalanan ng Pangulo na nasa narco-list sa mga pinagsusupetsahang gumawa ng krimen. Kasong administratibo lamang ang inihain laban sa kanila.
Inamin ng Philippine National Police na walang sapat na ebidensiya laban sa mga nasa listahan para sampahan ng reklamong kriminal. Sa press conference nitong nakaraang Biyernes, nilinaw ni PNP Spokesperson Col. Bernard Banac na sinampahan lamang nila ng kaso ang mga nasa narco-list base sa testimonya at pagtitiyak ng mga law enforcement agencies.
Kaya tuloy pinuna ng Integrated Bar of the Philippines ang ginawang pagsisiwalat ng Pangulo dahil kasong administratibo lang, at hindi kriminal ang inihain sa Ombudsman. Mahinang ebidensiya lang ang kailangan sa mga administrative cases, hindi gaya sa criminal na proof beyond reasonable doubt.
Kaya maliwanag na malisyoso ang pagbubunyag sa nilalaman ng narco-list. Sinampahan lang ng kaso sa Ombudsman ang mga pulitiko para gamitin itong batayan sa pagbubunyag ng kanilang pangalan lalo na at nalalapit na ang halalan.
Hindi na makapaghintay si Pangulong Digong na gawin ang salungat sa kanyang sinabi na wala siyang layuning makasakit ng kahit sino. Maliwanag na layuning maisahan ng Pangulo ang mga pulitikong binanggit niya dahil inunahan niya ang pagbubunyag ng kanilang pangalan bago sila sampahan ng kaso.
Iniaatas ng batas ang pagiging sekreto ng mga kaso, kung ang mga ito man ay administratibo o kriminal, habang nakabimbin sa Ombudsman. Ipinagbabawal ang pag-uulat ng mga ito hanggang hindi pa nareresolba. Sa totoo lang, sa ginawang pagbubunyag ng mga pangalan na nasa narco-list, lalong naging mainit at madugo ang halalan.
-Ric Valmonte