MAHIGIT 100 kababaihan mula sa iba’t ibang uri ng pamumuhay ang nagpasa ng kanilang application forms sa Binibining Pilipinas Charities. Inc. (BPCI) office sa Quezon City, dala ang pag-asang maging kinatawan ng Pilipinas sa Miss Universe 2019 beauty contest at iba pang international pageants.
Habang anumang oras ay puwede nang ilabas ang opisyal na listahan ng mga kandidata, ilan sa mga ito ang nagbitiw na sa kanilang mga pang-araw na trabaho para magtuon sa pagiging next Binibini. Marami sa kanila ang lumahok na sa mga nakaraang edisyon ng national pageant.
Ilan lamang sina Vickie Marie Rushton at Samantha Bernardo, na nagwagi bilang 1st runner-up at 2nd runner-up, sa pageant noong nakaraang taon, ang nagbitiw na sa kanilang mga trabaho para lumahok sa Bb. Pilipinas contest.
Ang iba pang mga kandidata na inaasahang magbabalik sa entablado ngayong taon ay sina Marie Sherry Ann Quintana Tormes, Agatha Lei Romero, Wynonah Van Joy Buot, Maria Andrea Abesamis, Sigrid Grace Flores, Rose Marie Murphy, at Kayesha Clauden Chua.
Ang cross-over queens naman mula sa ibang pageants na nagsumite ng kanilang mga application forms ay sina Leren Mae Bautista, Mutya ng Pilipinas 2015, na kalaunan ay nagwaging Miss Tourism Queen of the Year 2015/2016; at Ilene Astrid De Vera, na kinoronahang Mutya ng Pilipinas-Asia Pacific International 2017.
Nagpasa rin ng kanilang aplikasyon ang beauty queen na si Emma Mary Tiglao, at ang newbies na sina Philippine badminton champion Dia Nicole Magno, Filipino-Dutch Danielle Isabelle Dolk, Filipino-French Julia Saubier, law student Bea Patricia Magtanong, at Hannah Arnold. Ang iba pang aspirants ay mga fashion models, flight attendants, honor graduates, upcoming movie stars, at marami pang iba.
Ang pagtutunggalian ng mga kandidata sa Bb. Pilipinas pageant ngayong taon ay ang mga titulong Miss Universe Philippines, Bb. Pilipinas International, Bb. Pilipinas Supranational, Bb. Pilipinas Grand International, Bb. Pilipinas Intercontinental, at Bb. Pilipinas Globe.
Ang grand coronation ng Bb. Pillipinas 2019 pageant ay gaganapin sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City sa June.
-ROBERT REQUINTINA