TINAWAG ni Pangulong Duterte na “validated report” ang inilabas niyang narco-list nitong Huwebes. Sa kanyang pagsasalita sa Davao City, sinabi ng Pangulo na sinampahan na ng kaso sa Ombudsman ang mga pulitikong sangkot sa illegal drug trade. Sa listahan ng mga opisyal na pinangalanan ng Pangulo, 3 ang miyembro ng Mababang Kapulungan ng Kongreso, 35 alkalde, 7 bise-alkalde at isang provincial board member.
“Mayroong mga taong hindi ninyo maloloko. Magbibitiw ako kapag hindi ko na-neutralize ang problema sa droga dahil nangangahulugan na ako ay walang silbi. Hindi ako interesado na ilabas ang listahan bago o pagkatapos ng halalan dahil wala akong layunin na manakit kahit sino. Ang Anti-Money Laundering Council at Presidential Anticorruption Commission ay nag-iimbestiga rin. Ang magiging resulta ng kanilang imbestigasyon ay makatutulong para mapalakas ang kaso laban sa kanila,” wika ng Pangulo.
Kung totoong walang intensiyong makasakit ang Pangulo, bakit inilabas niya ang listahan bago maghalalan? Nakapaloob sa listahan at pagbubunyag sa mga opisyal na sangkot sa drug-trafficking ay ang kanyang banta na sila ay kanyang papatayin. Hindi niya kailangan pang gawin ang pagbabantang ito. Kasi, noon pa mang ilunsad niya ang war on drugs at marami na ang napatay, paulit-ulit na sinabi ng Pangulo sa kanyang mga talumpati sa mga sangkot sa droga: “Sinisira ninyo ang aking bansa, papatayin ko kayo.” Kailangan pa bang pagdudahan ito? Eh, iyong si Mayor Rolando Espinosa, Sr. ng Alborque, Leyte na nakapiit na ay napatay ng mga pulis sa loob ng selda dahil isa siya sa mga naunang nasa listahan ng mga taong sangkot sa illegal drug trade. Sinundan ito ng isa pang opisyal nang salakayin ng mga pulis ang kanyang bahay. Mula nang pairalin ng Pangulo ang kanyang giyera laban sa droga, walang araw na walang iniuulat na mga napapatay. Hanggang ngayon ay patuloy na nangyayari ito.
Pero, kung nagbigay ng problema sa mga taong ang mga pangalan ay nasa listahan, magbibigay din ito ng problema sa Pangulo. Kasi ginawa niyang “open target” ang buhay ng mga opisyal na ibinunyag niyang may kaugnayan sa pagnenegosyo ng droga. Alam naman ninyo ang mga pulitiko, hindi nawawalan ng kaaway ang mga ito kahit sila ay matinong nanunungkulan. Sa pagganap nila ng kanilang tungkulin, hindi mo maiaalis na mayroon silang nasasagasaang interes. May nagagalit o nagtatanim sa kanila ng galit, lalo na iyong mga matinding nasaktan. Ang mga ito ay humahanap lamang ng pagkakataon na gumanti. Iyong masama ngayon ang pangalan sa narco-list na nais nilang gantihan ay magandang pagkakataon para tuparin ang kanilang masamang layunin. Malayo silang pagsuspetsahan. Ang una kaagad pagbibintangan ay si Pangulong Digong.
Ang ganitong sitwasyon ay hindi rin malayong mangyari lalo na ngayon na ang pagsiwalat sa pagiging sangkot ng mga opisyal sa illegal drug trade ay itinaon sa panahong malapit na ang halalan. Ang eleksiyon natin ay hindi lamang paramihan at bilangan ng boto. Kabilang na rito ang patayin ang kandidato bago maghalalan upang mawalan na ng kalaban. Napakagaan gawin ito sa mga pulitiko na ang pangalan ay nasa narco-list. Sasakyan ng kanilang kalaban ang nauna nang banta na ginawa ng Pangulo na papatayin niya ang sumisira sa kanyang bansa. Eh, sa kanya, ang sumisira ay ang mga gumagamit, nagbebenta at nagnenegosyo ng droga na kinasasangkutan ng mga opisyal na nasa narco-list.
-Ric Valmonte