MAY paniwalang sa pagkamatay ng tao nagwawakas ang lahat. Ngunit may mga naniniwala naman na hindi ito nangyayari sa lahat ng tao, lalo na kung nag-ukol siya ng pagmamahal sa bayan, matapat na naglingkod para sa kabutihan ng kanyang mga kababayan, mamamayan at ng ating bansa.
Nananatiling buhay ang kanyang pangalan sa kasaysayan, alaala at ang mga kabutihan at kadakilaan. Isang matibay at lantay na halimbawa si dating Pangulong Ramon Magsaysay – ang ikatlong pangulo ng Pilipinas.
Sa kanyang panahon ay kinilala at tinawag na “Idolo ng Bayan” dahil sa matapat na paglilingkod sa bayan. Naging bukambibig ng mamamayan at parang slogan noon ang salitang “Magsaysay is My Guy”. At sa bahagi ng kanta kay Pangulong Magsaysay ay ganito ang lyrics: “Our Democracy will die kung wala si Magsaysay.”
Si Pangulong Magsaysay ang tanging pangulo ng bansa na binuksan ang pintuan ng Malacañang sa mamamayan. Tanging pangulo rin ng bansa na iniiwan ang kanyang mga bodyguard at mag-isang nagtutungo sa mga tao na nais niyang makausap at mabatid ang mga problema. Ngayong ika-17 ng mainit na buwan ng Marso, ginugunita ang anibersaryo ng kanyang kamatayan. Asahan na ang mga nabubuhay pa niyang anak at mga apo ay mag-uukol ng panalangin at mag-aalay ng bulaklak sa kanyang puntod.
Ayon sa kasaysayan, namatay si Pangulong Magsaysay, kasama ang 26 na iba pa nang bumagsak ang eroplanong “Mount Pinatubo” na kanilang sinasakyan sa bundok ng Manunggal sa Cebu. Naganap ang malagim na trahedya noong Marso 17, 1957, matapos siyang maging panauhing tagapagsalita sa isang graduation ceremony at pasinaya sa Cebu. Si Pangulong Magsaysay ay inihatid sa Lahug airport ng mag-amang Osmeña, sina Sergio Osmeña, Sr. at Sergio Osmeña Jr. na naging pangulo ng bansa at mayor ng Cebu. Hinikayat pa ng mag-amang Osmeña si Pangulong Magsaysay na sa Cebu na matulog at sa umaga na bumalik sa Maynila. Pinasalamatan lamang ni Pangulong Magsaysay si Serging Osmena, Jr. at sinabing may kakausapin siya sa Malacañang kinabukasan ng umaga.
Makalipas ang ilang minutong paglipad ng eroplano, ito’y bumaling sa Kanluran at pagkuwa’y pabalik sa lungsod ng Cebu. Iisa lamang ang ilaw ng eroplano at ang ugong ng makina ay papatay-patay. Ilang saglit pa’y namatay na ang kaisa-isang ilaw ng eroplano at ganap nang nawala sa papawirin. Patuloy sa paglipad ang eroplano na ang tinutumbok ay ang ituktok ng Bundok ng Manunggal.
Sa simula’y tumama ang eroplano sa dulo ng dalawang mataas na punongkahoy . Pagkatapos ay bumangga naman sa isang malaking patay na punongkahoy. Nahati sa dalawa ang nguso ng eroplano at nabali naman ang buntot nito. At halos kaalinsabay niyon ay ang isang nakatutulig na putok at nakasisilaw na lagablab ng apoy. Sa paligid ng nagliliyab na eroplano’y naghambalang ang 26 na bangkay. Sunog na lahat at maiitim na parang uling. Isa lamang ang nakaligas--si Nestor Mata, ang reporter ng pahayagang Philippine Herald. Kasamang namatay si Pablo Bautista, ng Liwayway Magasin na siyang sumusulat noon sa “Liwayway Magasin” tungkol kay Pangulong Magsaysay na may pamagat na “Idolo ng Bayan”. Si Pablo Bautista ay nakatakda sanang magpakasal noon sa guro nitong kasintahan.
Lumuha at nagdalamhati ang Pilipinas sapagkat ang wala sa panahong kamatayan ni Pangulong Magsaysay ay malaking kawalan sa mga mamamayan. Si Magsaysay ang pangulo ng bansa na pinakamamahal ng bawat Pilipino. Nawalan ang Pilipinas ng isang matapat na lider na mahirap nang matagpuan sa makabagong panahon at sa larangan ng pulitika kahit na sinasabing si Magsaysay ay isa ring pangulong tinangkilik ng mga Amerikano.
Si Ramon Magsaysay ang unang defense secretary na naging pangulo ng Pilipinas, na dumisiplina sa mga sundalo at militar. Bumali sa gulugod ng Hukbalahap (Hukbong Bayan Laban sa Hapon) na tawag noon sa mga rebelde) at nagbalik ng tiwala ng mamamayan sa pamahalaan.
Sa panahon ni Pangulong Magsaysay, puspusang naglingkod sa taumbayan. Hindi nangibang-bansa at nag-aksaya ng dolyar. At hindi kumunsinti ng anomalya ng mga kamag-anak, mga kaibigan at kroni.
Nagsikap na maiangat ang kalagayan ng buhay ng mahihirap, lalo na ang mga magsasaka. Ginawa rin ang lahat upang ang mga beterano ng digmaan ay magtamo ng mga biyaya at makapamuhay nang matiwasay. Naniniwala si Magsaysay na ang kapos sa buhay ay dapat magkaroon ng higit na pagtangkilik ng batas. Kaya ang slogan noon: “ang kapos sa buhay ay punan sa batas”. Hindi katulad ng mga batas na pinagtitibay ng mga sirkero at payaso sa Kongreso na pahirap, parusa at pambigti sa sambayanang Pilipino at pabor sa dayuhan.
Katapatan, pagtitiwala at pagiging matapat sa sinumpaang tungkulin sa pamamahala –ang mga nabanggit ang naging lantay na bantayog ni Pangulong Magsaysay upang manatali siyang buhay sa kasaysayan at alaala ng mga Pilipino.
-Clemen Bautista