WALANG magaan na grupo sa naganap na pagkakahati ng mga koponan sa idinaos na draw para sa 2019 FIBA World Cup nitong Sabado sa Shenzhen Cultural Center sa Shenzhen, China.

Kahit ang Group D kung saan napabilang ang Gilas Pilipinas ay mabigat din dahil kasama nila ang mga itinuturing na European powerhouse Serbia, Italy at Angola.

Idaraos ang mga laro ng Group D games sa Foshan International Sports and Cultural Center sa Foshan, China.

Paboritong mangibabaw sa grupo ang Serbia, ang losing finalist noong 2014 Fiba World Cup at may world ranking na pang-apat.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Sa kasalukuyan, ang Team Philippines ay nasa 31st spot ng world rankings, 18 spots ang layo sa 13th rank Italy at 8 slots naman ang taas sa pang-39th na Angola.

Base sa format, ang top two teams sa walong grupo ay uusad sa second round kung saan ang dalawang best squads ay papasok ng quarterfinals.

Ang top two finishers ng Group D ay makakasama ng top two sa Group C na binubuo ng Spain, Iran, Puerto Rico at Tunisia sa second round.

Ang host China ay napabilang sa Group A kasama ng Ivory Coast, Poland at Venezuela habang magkakasama naman ang Russia, Argentina, South Korea at Nigeria sa Group B.

Napahanay naman ang defending champion USA sa Group E kasama ng Japan, Turkey at Czech Republic.

Nangunguna naman ang Greece na tatampukan ng NBA superstar na si Giannis Antetokounmpo sa Group F kasama ng New Zealand, Brazil at Montenegro habang binubuo naman ang - Group G ng Dominican Republic, France, Germany and Jordan.

Samantala, nagkasama naman sa Group H ang Canada, Senegal, Lithuania at Australia.

Gaganapin ang mga laro ng Group A sa Beijing, sa Wuhan naman ang Group B at Guangzhou sa Group C.Idaraos naman ang mga laro ng Group E sa Shanghai, ang Group F sa Nanjing, ang Group G sa Shenzhen at ang Group H sa Dongguan.

-Marivic Awitan