Ipinag-utosni Pangulong Duterte sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) na hingin ang pagpapakawala ng tubig sa Angat Dam nitong tanghali ng nagdaang Sabado, tubig na sasapat sa 150 araw, sa gitna ng kakulangan sa tubig na sumapol sa Metro Manila, sinabi ni presidential spokesman Salvador Panelo.
Kung ang kakulangan sa tubig ay dahil lamang sa maling desisyon ng ilang opisyal, sa pagsisimula ng pagrarasyon ng tubig bilang bahagi ng ipinatutupad na panuntunan sa suplay nito, ang mabilis na kautusan ng pangulo ay dapat na magbigay sa wakas sa suliranin.
Ngunit ‘tila lumalabas na hindi ganito kasimple ang problema. Sa kaparehong araw nagpalabas ang Pangulo ng kautusan na nag-uutos sa MWSS na humingi ng paglabas ng mas maraming tubig mula sa Angat Dam sa Bulacan, habang isang opisyal ng MWSS ang nagsabi na mahihirapang ipatupad ang kautusan sa kasalukyang lagay ng mga imprastraktura.
Ang Angat Dam sa Bulacan ang nagdadala ngayon ng nasa 1,600 milyong litro ng tubig kada araw sa Manila Water para sa Metro Manila East Zone at 2,400 milyon litro sa Maynilad para sa West Zone—nasa kabuuang 4,000 milyon litro. Mula sa Angat, dumadaan ang tubig sa iba’t ibang tunnel sa tatlong catchment basins, patungo sa anim na aqueducts, dalawang kanal, at isang conduit, papunta sa mga treatment plants ng dalawang concessioners. At lahat ng mga imprastrakturang ito ay kaya lamang humawak ng nasa 4,000 milyong litro kada araw.
Ilan taon nang nararanasan ang problema sa kakulangan ng tubig sa ganitong bahagi ng taon, kapag tumataas ang demand kasabay ng pagtaas ng temperatura. Patuloy rin ang mabilis na paglago ng populasyon sa Metro Manila. At ngayong taon, nararanasan pa ang dagdag na epekto ng El Nino—ang init na namumuo sa bahagi ng Karagatang Pasipiko na kumakalat sa iba’t ibang direksiyon.
Kabilang sa mga iminumungkahing solusyon para sa patuloy na tumataas na demand sa tubig ang pagkuha ng tubig sa Laguna de Bay at sa mga lumang balon gayundin ang pagtatayo ng dagdag na mga treatment plant. May mga mungkahi rin ng pagdaragdag ng mga dam sa ibang mga probinsiya. Mayroon din panukalang batas na nag-uutos sa mga develepor na magtayo ng mga catchment basin sa kanilang mga proyekto upang maimbak ang tubig-ulan. At ang ilang mungkahi para sa desalination plants upang iproseso ang mga tubig-dagat, tulad ng ginagawa na sa ilang bansa sa Gitnang Silangan.
Lahat ng mga mungkahing ito ay naiparating na sa ilang ahensiya ng pamahalaan. Panahon na siguro, tulad ng mungkahi ng ilan, na isang hiwalay na departamento ng pamahalaan ang itayo na tututok sa buong problema sa tubig—ang kasapatan nito, mga imprastraktura para sa pangangalap, pag-iimbak, at pagdadala, kung paano hahatiin ang kabuuang suplay sa lahat ng gumagamit, lalo na sa agrikultura, pagmamanupaktura, at sa mga kabahayan.
Ang kasalukuyang problema sa suplay ng tubig na gumigipit sa Metro Manila ay mangangailangan ng higit sa isang kautusan para sa agarang aksiyon mula sa pamahalaan. Nananawagan ang solusyon ng higit na pag-aaral at pagpaplano at mas maraming imprastraktura. Maaari itong maisama sa pangkalahatang programa ng “Build, Build, Build” na ngayon ay naisasakatuparan na sa mabilis na hakbang.