BAGUIO CITY – Naalarma ngayon ang mga opisyal ng Baguio City.
dahil sa naiulat na pagdami ng tinamaan ng tigdas sa lungsod.
Dahil dito, nanawagan si Baguio Mayor Mauricio Domogan, sa publiko, partikular na sa mga magulang na ipabakuna ang kanilang mga anak laban sa sakit.
Bumaba aniya ang porsiyento ng nagpapabakuna kontra-tigdas sa kabila ng tumataas na bilang ng nahahawaan ng sakit.
“Please avail of the mass immunization campaign because it is the only way we can protect our children from the serious effects of measles and other infectious diseases at no cost,” apela ng alkalde.
Pagdidiin naman ni City health officer, Dr. Rowena Galpo, tumaas sa 170 ang natitigdas mula Enero 1 hanggang Marso 9.
Nilinaw nito, wala namang naitalang nasawi sa sakit.
Tinukoy din ng health office ng lungsod na kinakatawan ng naturang bilang ang 4,150 porsiyentong pagtaas mula sa apat na naitalang kaso nito sa kaparehong panahon nitong nakaraang taon.
Inaasahan din ni Galpo na lumobo pa ang bilang ng natitigdas sa susunod na mga araw, kaya’t iniutos na nito ang pagsasagawa ng house-to-house vaccination, sa tulong na rin ng mga tauhan ng Department of Health (DoH) sa Cordillera Administrative Region (CAR).
Saklaw aniya ng pagbabakuna ang mga batang mula anim na taong gulang hanggang 59 buwang gulang at sa pre-school kids na 6-anyos pataas.
-Rizaldy Comanda