GS Warriors, dominante sa ikalawang sunod na laro na wala si Durant
OKLAHOMA CITY (AP) — Dalawang laro nang pahinga ang na-injured na si Kevin Durant. Walang dapat ipagamba ang ‘Dub Nation’.

Ratsada si Stephen Curry sa natipang 33 puntos, habang matikas ang all-around game ng iba pang starter, sapat para maiangat ang Golden State Warriors sa dominanteng 110-88 panalo kontra Oklahoma City Thunder nitong Sabado (Linggo sa Manila).
Kumubra si Klay Thompson ng 23 puntos at tumipa si DeMarcus Cousins ng 12 puntos, walong rebounds at anim na assists para sa ikalawang sunod na panalo ng Warriors na wala ang two-time Finals MVP na si Durant, nagtamo ng sprained sa kanang paa.
Nanguna si Paul George na may 29 puntos at 13 rebounds,habang tumipa si Dennis Schroder ng 15 puntos para sa Thunder. Nalimitahan ang inalat na si Russell Westbrook sa pitong puntos mula sa 2-for-16 shooting at bokya sa pitong pagtatangka sa 3-point shot.
Ratsada si Curry sa nahugot na 19 puntos sa first half para sandigan ang Warriors sa 64-46 bentahe sa halftime. Walang pagbabanta ng pagbalikwas ang Thunder at nanatiling mainit ang opensa ng Warriors, tampok ang 11 puntois ni Curry para palawigin ang abante sa 87-71.
SPURS 108, BLAZERS 103
Sa San Antonio, ginapi ng Spurs, sa pangunguna ni DeMar DeRozan na may 21 puntos, ang Portland Trail Blazers para hilahin ang winning streak sa walo.
Nanguna sa Blazers si Damian Lillard na may 34 puntos, ngunit nagtamo ng injury ang second leading scorer ng Portland na si CJ McCollum may 7:03 ang nalalabi sa third period. Tumapos siya na may 10 puntos.
Napatatag ng San Antonio (41-29) ang kapit sa No.6 spot sa Western Conference, isang laro ang bentahe ng Oklahoma City. Sunod na haharapin ng Spurs ang Golden State sa Lunes (Martes sa Manila) target ang ika-10 sunod na home game win.
Nasa No.4 ang Portland (42-27) sa Western Conference.
Naisalpak ng Spurs ang apat na three-pointer sa fourth period, tampok ang tirada ni Derrick White para sa 100-92 bentahe ng Spurs may nalalabing dalawang minuto sa laro.
Umiskor sina White at Rudy Gay ng tig-13 puntos, habang kumubra sina Patty Mills at LaMarcus Aldridge ng tig-12 puntos.
MAVS 121, CAVS 116
Sa Dallas, hataw si Tim Hardaway Jr. sa naiskor na 22 puntos, habang lumapit sa tatlong puintos si Dirk Nowitzki para lagpasan ang maalamat na si Wilt Chamberlain sa NBA scoring list sa panalo ng Mavericks kontra Cleveland Cavaliers .
Maagang naginit ang outside shooting ng one-time MVP na si Nowitzki at tumapos na may 14 puntos para makalapit sa No. 6 sa scoring list na kasalukuyang hawak ni Chamberlain.
Naputol ng Mavericks ang seven-game losing streak.
Nag-ambag sina Maxi Kleber ng 18 puntos,habang kumana sina Jalen Brunson at Dwight Powell ng tig-16 puntos.
Nanguna si Collin Sexton sa Cavs na may 28 puntos.
SUNS 138, PELICANS 136 OT
Sa New Orleans, naisalpak ni Josh Jackson ang game-tying three-pointer may dalawang segundo ang nalalabi sa overtime, habang naisalpak ni Devin Booker ang free throw mula sa technical foul ng Pelicans para mailusot ang panalo.
Pinatawan ng technical ang New Orleans nang tumawag ng time-out kahit wala na itong nalalabing timeout sa krusyal na sandali .
Sa iba pang laro, nadomina ng Washington Wizards ang Memphis Grizzlies, 135-128; ginapi ng Boston Celtics ang Atlanta Hawks, 129-120;
Winasak ng Utah Jazz ang Brooklyn Nets, 114-98; at naungusan ng Denver Nuggets ang Indiana Pacers, 102-100.