Nilamog ang 22-anyos na lalaki ng kanyang mga kapitbahay nang matukoy na sa bahay niya nagmula ang apoy, dulot ng napabayaang kandila, na ikinaabo ng 50 bahay sa Tondo, Maynila, nitong Sabado.
Si Aldrine “Bindong” Manansala, ng 725 Launasa Street, Tondo, ay nasa kustodiya ng Tayuman Police Community Precinct (PCP), ngunit agad ding palalayain kung walang magsasampa ng reklamo laban sa kanya sa loob ng 36 na oras.
Sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP) Manila, sumiklab ang apoy, na umabot ng ikaapat na alarma, dakong 8:31 ng gabi nitong Sabado at idineklarang fire out pagsapit ng 12:10 ng madaling araw kahapon.
Aabot sa 150 pamilya ang nawalan ng masisilungan, at sugatan ang anim na katao na kinilalang sina Nenita Lardizabal, 64; Gerald Brown, 38; Imee Perayre, 20; Liezel Miles, 42; Manuel Corpuz, 34; at isa pang hindi pinangalanan.
Ayon kay SFO1 Christian Bag- Id, na nagsilbing ground commander, nagsimula ang sunog sa ikalawang palapag ng bahay ng suspek at kumalat sa mga katabing bahay, na pawang yari sa light materials.
Paliwanag ni Tane Manansala, kaanak ng suspek, hindi sinadyang iwan ni
Aldrine ang kandila at sa halip ay umalis sandali upang hanapin ang kanyang asawa.
Aabot sa P1 milyon ang halaga ng mga naabo.
-Mary Ann Santiago