Isinusulong ngayon ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa Region 12 (Soccsksargen) ang deklarasyon ng baybaying komunidad ng bayan ng Glan, Sarangani bilang nesting site para sa mga pawikan o marine turtles.

Ibinahagi ni Nilo Tamoria, DENR-12 regional executive director, nitong Huwebes na nagsumite na sila ng resolusyon nitong nakaraang buwan mula sa konseho ng barangay Burias sa Glan para sa konserbasyon at proteksiyon ng mga pinagpupugaran na lugar ng mga pawikan.

Aniya, hinihintay na lamang ang pagsang-ayon at pag-apruba ng munisipal na pamahalaan at Protected Area Management Board ng Sarangani Bay Protected Seascape.

Para sa kanya, mahalaga na maideklara ang lugar bilang nesting site upang maipatupad ang implementasyon ng tamang proteksyon na hakbang.

Bilang bahagi ng hakbang, nagtatag na ang ahensiya ng enclosure para sa mga pugad ng mga pawikan sa kahabaan ng baybayin.

Ayon kay Tamoria, nakipag-ugnayan na sila sa mga residente ng komunidad upang matulungan sila na mabantayan ang mga nesting sites at mga pawikan sa lugar.

“We advised them to report to the nearest DENR office any sightings of sea turtles in their areas and turn them over if caught or trapped in fish nets or cages,” saad niya.

Ang baybayin ng Barangay Burias ay regular nang ginagamit na nesting site ng mga pawikan sa nakalipas na mga taon.

Kabilang ang uri ng sea turtle o pawikan sa lugar sa listahan ng International Union for Conservation of Nature and Natural Resources (IUCN) bilang endangered at mabilis na mauubos dahil sa panghuhuli at eksploytasyon ng mga tao.

Sinabi naman ni Burias Councilor Ali Gampal na hindi na lingid sa kaalaman ng mga residente ang kalagayan ng mga hayop at tumutulong na ang mga ito sa pagprotekta sa mga pawikan. Noong una kalimitan, aniya, sa mga residente ay hindi naiintindihan ang kahalagahan ng pawikan ngunit ngayon ay naiintindihan na ng mga ito ang halaga ng laman-dagat.

Patuloy rin ang pakikipag-ugnayan ng Community Environment and Natural Resources Office ng Glan sa mga residente upang maibahagi ang kahalagahan ng mga pawikan at ang konserbasyon dito.

Tinuturuan umano nito ang mga residente sa lugar ng tamang solid waste management, lalo na sa mga apektado ng polusyon sa plastic, na nagiging panganib sa buhay ng mga marine wildlife.

Ayon pa sa opisyal, tumutulong ang RD Foundation para sa komunidad sa pangangalaga sa mga pawikan at plano rin nila na magtayo ng turtle hatchery sa lugar.

Bilang inisyal na pagbabahgi, nagkaloob ang foundation ng mga ‘wire mesh enclosures’ para sa mga pugad ng pawikan sa lugar.

PNA