INAPRUBAHANng United States House of Representatives, sa botong 245-82 nitong Pebrero 26, ang batas na magwawakas sa deklarasyon ni Pangulong Donald Trump na emergency sa hangganan ng US-Mexico. Una nang tumanggi ang Kongreso na aprubahan ang $5.7 milyon na hiling ni Trump sa pagpapatayo ng pader upang hindi makapasok ang mga Latin American immigrants. Nagdeklara ng emergency si Trump upang mailipat ang pondong nasa budget.
Hiniling ni Trump na ilipat ang $3.6 billion na nakalaan para sa Pentagon construction projects at iba pang pondo para sa nais niyang pader. Ngunit tumutol ang mga kongresista, ang Democrats at Republicans, sa paglilipat ng pondo dahil labag ito sa batas na tanging Kongreso ang nagdedesisyon kung saan gagastusin ang mga pondo.
Sa pagkadismaya sa naging aksiyon ng Kongreso na wakasan ang emergency, may panibagong hakbang si Trump sa kanyang laban. Inanunsiyo niya ang budget para sa susunod na taon, 2020, ba naglalaman ng $8.6 billion para sa kanyang pader.
Ito ang pinakabagong kaganapan sa ipinaglalabang pader ni Trump, na una niyang ipinahayag na isyu sa kampanya noong 2016 presidential election. Ang pader ay bahagi ng kanyang pangkalahatang anti-immigration policies.
Ang pangulo ng Amerika ay nasa gitna ng napakaraming isyu at kontrobersiya, kabilang ang posibleng paglabag sa eleksiyon gaya ng hindi iniulat na pagbayad sa isang babae upang manahimik, umano’y sabwatan sa pagitan ng kanyang mga campaign staff at ng Russians, umano’y obstruction of justice sa mga imbestigasyong ito.
Ngayon, maaari siyang patalsikin sa obstruction of justice sa nagaganap na imbestigasyon sa kanyang poll campaign, partikular ang pagkakasangkot ng mga Russian. Ngunit patuloy niyang ipinaglalaban ang kanyang pader, na maaaring maging sagisag ng kanyang administrasyon.
Patuloy nating susundan ang laban na ito sa pag-asa na matututo tayo sa karanasan ng dati nating kolonyal na tagapagturo na nagpamana sa atin ng demokratikong sistema ng pamamahala na mayroon tayo ngayon sa ating bansa.
Mayroon tayong sariling kontrobersiya sa Kongreso hinggil sa reenacted national budget, na hindi pa rin napagdedesisyunan hanggang ngayon. Ngunit walang mas kumplikado sa isyu sa pader na halos ikawatak-watak ng mga Amerikano