Nilinaw ng Commission on Elections na walang epekto sa kandidatura ng mga pulitiko ang pagkakasama ng mga pangalan nila sa narco-list na isinapubliko kamakailan ni Pangulong Duterte.

Comelec Spokesman James Jimenez

Comelec Spokesman James Jimenez

Ito ang inihayag ni Comelec Spokesperson James Jimenez, ilang araw makaraang isapubliko ng Presidente at isa-isang banggitin ang mga pangalan ng mahigit 40 pulitiko na umano’y sangkot sa aktibidad ng illegal na droga sa bansa.

Bagamat walang epekto sa kandidatura, naniniwala naman si Jimenez na maaaring makaapekto ang pagkakasama ng pulitiko sa listahan sa desisyon ng mga botante kung sinu-sino ang iboboto sa Mayo 13.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Paliwanag ni Jimenez, maaari lang madiskuwalipika ang isang kandidato kung may final conviction na sa kinakaharap nitong kaso.

“Makakaapekto ito sa desisyon ng botante pero sa kandidatura, officially walang epekto, dahil ang narco-list is a list of suspects. Hindi 'yan list of convictions,” paliwanag ni Jimenez, sa panayam sa telebisyon.

“Ang puwede lang ma-disqualify ay 'yung may final conviction,” paglilinaw pa niya.

Aniya, maaari lang na maging pinal ang diskuwalipikasyon ng isang kandidato kapag mismong ang Korte Suprema na ang magdesisyon dito.

Mary Ann Santiago