HINDI lamang mga ordinaryo nating kababayan ang gumagamit at nasasangkot sa ilegal na droga, kundi maging ang ilang tiwali at bugok na opisyal ng lokal na pamahalaan.
Ang nabanggit ay bahagi ng pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte nang maging panauhing tagapagsalita siya sa isang pagtitipon sa Davao City, kamakailan. Sa pahayag ng Pangulo, binanggit niya ang mga pangalan ng 43 lokal na opisyal at tatlong congressman. Marami sa kanila ay kandidato sa darating na eleksiyon sa Mayo 2019.
Ayon kay Pangulong Duterte, ang mga nasa narcolist na mga lokal na opisyal na umano’y sangkot sa ilegal na droga ay kinasuhan na sa Tanggapan ng Ombudsman. Ang mga tinukoy na lokal na opisyal ay mula sa Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Western Visayas, Central Visayas, Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, Western Mindanao, Soccsargen, Caraga Region at sa Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Sa listahan ng mga opsiyal na tinukoy ng Pangulo, 25 ang alkalde, pito ang bise alkalde, isa ang provincial board member at tatlo ang miyembro ng Kongreso o Mababang Kapulungan. Ang pagtukoy ng Pangulo sa mga lokal na opisyal na sangkot sa ilegal na droga ay hindi na ikinagulat ng ating mga kababayan sapagkat “open secret” na ang pagkakasangkot sa illegal drugs ng ilan sa mga bugok at tiwaling local official. Ang hinihintay at inaabangan ng ating mga kababayan ay ibunyag ang mga pangalan ng nasabing mga opisyal na sangkot sa illegal drugs at sila ay sampahan ng kaso. At halos iisa ang tanong ng ating mga kababayan: Makukulong kaya ang mga pulitikong nasa narcolist?
Sa pagbubunyag ni Pangulong Duterte, tatlong congressman ang pinangalanan ng ating Pangulo. May tatakbong kandidato sa pagka-congressman sa darating na eleksiyon. At sa drug list ng Pangulo, dalawang alkalde sa Rizal ang kasama sa listahan. Ang dalawang mayor ay kapwa nasa ikalawang distrito ng Rizal.
Marami sa ating mga kababayan ang natuwa sa pagsisiwalat ng Pangulo. Ang hinihintay ngayon ng sambayanan ay ang pagsasampa ng kaso sa nasabing mga pulitiko na nasa narcolist.
Ang tag-araw ay isa sa mga panahon na hinihintay ng marami nating kababayan. Sila ay may kanya-kanyang dahilan. Sa mga magsasaka, ang tag-araw ay karaniwang panahon ng pag-aani. At matapos ang pag-aani, ang lupang sinasaka ay muling patutubigan, aararuhin at susuyurin. Muling tatamnan ng palay. Sa lupang sakahan na malapit sa tubig katulad sa Laguna de Bay, ang irigasyon at patubig ay hindi problema. Sa tulong ng kanilang generator, ang sinasakang lupa ay napatutubigan. Ang iba namang magsasaka ay ginagawang tumana ang lupa nilang sinasaka. May nagtatanim ng mga kamatis.
Kaya, mapapansin na tuwing Enero hanggang Marso, maraming kamatis na ipinagbibili sa mga palengke. Sa ilan sa Rizal, ang mga kamatis ang kanilang isinasahog sa ulam. May nagtatanim ng sitaw at patola. At makalipas lamang ang ilang buwan, nagsisimula na silang mag-ani ng mga bunga ng kanilang pananim. Sa eastern Rizal, ang mga inaning gulay katulad ng ampalaya, sitaw, patola, litsugas at iba pa ay dinadala sa mga palengke sa Rizal at Laguna. Doon ipinagbibili. May mga negosyante naman na nagtuutngo sa taniman ng mga magsasaka at doon kinukuha at binibili ang mga inaning mga gulay.
At para naman sa iba nating kababayan na likas ang kasipagan, ang pagsapit ng tag-araw ay magandang panahon ng paghahanapbuhay at pag-iimpok. Sa mga mag-aaral naman na may kaya sa buhay, ang tag-araw ay isang mainam na panahon ng summer class. Ang iba naman ay mag-a-apply sa tanggapan ng kanilang mayor at governor para sa summer job. Ang suweldong matatanggap ay ibibigay sa magulang bilang tulong sa pamilya. Ang ibang pera ay ilalaan naman na pambayad sa matrikula sa susunod na pasukan pagsapit ng Hunyo.
-Clemen Bautista