KAPWA binata na ang mga anak ng mag-asawang Gelli de Belen at Ariel Rivera, at parehong nag-aaral sa Canada ang dalawa.
Pagpipiloto ang kurso ni Joaqui, habang Kinesiology naman ang kay Julio.
Sa presscon ng Pansamantagal, ikinuwento ni Gelli na bago mag-Holy week ay pupunta siya sa Canada para ayusin ang paglipat ni Joaqui sa lugar, kung saan nagti-training ang kanilang anak sa pagpapalipad ng eroplano.
Tinatanong daw niya si Joaqui kung babalik na ito sa Pilipinas pagka-graduate? Ayaw daw siyang sagutin ng anak, dahil depende raw kung saan ito makakahanap ng trabaho.
Pero ang isa pang anak nina Gelli at Ariel na si Julio, na magiging Kinesiologist, sa Canada raw talaga gustong manirahan at magtrabaho. ‘Yung kurso raw kasing Kinesiology ay puwedeng maging sports therapist ka, o kaya puwede ka nang tumuloy sa kursong medicine at maging doktor.
Kaya tanggap na raw nilang mag-asawa na silang dalawa na lang ang maiiwan sa Pilipinas, dahil may kanya-kanya nang buhay ang kanilang mga anak.
“Alam mo, iyon na ang reality namin ni Ariel ngayon. Parang there’s emptiness, because kaming dalawa na lang ang magkasama sa bahay. Mabuti nga, nakaisip kaming kumuha ng aso,” natatawang pahayag ni Gelli.
Tanggap na raw ng mag-asawa ang katotohanan ng buhay na kayong mag-asawa na lang talaga ang maiiwan kapag may kanya-kanya nang buhay ang inyong mga anak.
Naikuwento pa ni Gelli ang minsang naging usapan nila ni Ariel tungkol sa isang realization niya sa pag-aasawa.
“Sabi ko nga sa kanya, talagang you really have to choose well. Choose your husband properly or your wife, kasi at the end of the day, ‘pag may anak na kayo, ‘pag malaki na sila, you’ll end up together, kayo pa rin, eh,” sabi ni Gelli.
“In the beginning kayo, in the end kayo.”
Ayaw raw nila ni Ariel na manirahan sa Canada, dahil stable naman ang kanilang showbiz career dito sa Pilipinas, at hindi sila nawawalan ng project.
Noong nakaraang buwan, itinampok sina Gelli at Ariel sa Ang Sikreto ng Piso, at ngayon nga ay isa ang aktres sa mga bida ng Pansamantagal. Bida rin sa pelikula si Bayani Agbayani, with DJ Chacha, sa panulat at direksiyon ni Joven Tan under Horseshoe Productions. Showing na ang Pansamantagal sa March 20.
-Ador V. Saluta