NANG marinig ko mula sa isang dalubhasa sa pag-aaral ng paggalaw ng tubig sa bansa o hydrologist na normal pa ang level ng lahat ng malalaking dam sa buong Luzon, sa kabila ng banta ng El Niño, ay agad akong nagduda sa biglang naranasan na “water shortage” sa Metro Manila. Naisip ko lang na baka bahagi na naman ito ng isang malalim na “pakulo” upang pagtakpan ang isang malaking proyekto na bigla na lamang bubulaga sa atin.

Maliwanag pa kasi sa sikat ng araw ang paliwanag ni Sonia Serrano, PAGASA hydrologist, na narinig ko habang ini-interview siya sa Radio DZBB noong Miyerkules ng umaga, na ang water level sa Angat Dam – isa sa mga dam sa Central Luzon na pinanggagalingan ng tubig para sa Metro Manila, ay nasa 199.94 meters, na mas mataas pa rin sa “critical level” na 180 meters.

“Mayroong mga tubig sa dam. Dito sa Angat ngayon 6:00 [ng umaga] naka-record po ng 199.94 meters,” ani Serrano. At sa punto niyang ito lumabas ang aking pagdududa na parang may “nakatago” sa likod ng “water shortage” na dinaranas ngayon sa malaking bahagi ng Metro Manila.

Paglilinaw pa ni Serrano: “Aabot pa naman ito ng Mayo kung patuloy na ganito ang pagbaba. Aabot pa ng Mayo bago pumasok sa 180-low critical level,” aniya.

Dagdag pa niya, kahit pa hindi umulan, ang tubig sa Angat Dam ay mananatili sa ibabaw ng “critical level” lalo pa’t ang pagbawas nito ay steady lang sa 0.34 to 0.35 meters kada araw.

‘Yun naman pala eh, anong nangyari at biglang nagka-water shortage? Ang partikular na nagdurusa sa problemang ito ay ang malaking bahagi ng Metro Manila at mga bayan sa lalawigan ng Rizal, at sa dalawang concessionaire, ang Manila Waters ang pinakaproblemado pero ang sisi ay ipinipukol nito saEl Niño phenomenon.

Kahapon, habang nasa isang malaking mall ako sa San Juan, naramdaman ko ang laki ng problemang ito dahil lahat ng pinasok kong palikuran (CR) ay nakasarado. Paliwanag ng attendant na nakaabang sa may pintuan – “walang tubig, baka raw bumaho at pumanghi ang paligid!”

Sa simpleng paliwanag, ganito ang takbo ng tubig natin mula sa mga dam sa iba’t ibang lugar sa Luzon patungo sa gripo sa ating bahay: Mula sa naipong tubig sa Angat Dam, ito ay dadaloy patungo sa Ipo Dam na konektado naman sa Bigte Basin. Dito ito maiipon bago padaluyin sa imbakan ng dalawang concessionaire – Maynilad at Manila Water -- bago dumiretso sa mga water treatment facilities sa La Mesa Dam. Mula rito ay ipamamahagi naman ang tubig ng Maynilad at Manila Water sa kanilang mga connectors na pang-residential at commercial sa buong Metro Manila.

‘Di naman nakalagpas ang isyu sa ilang mambabatas natin sa Kongreso at Senado na wari ko’y nasagap din ang ‘tila “alimuom” na aking naamoy mula sa problemang ito.

Agad na naghain si Magdalo Party-List Representative Gary Alejano ng House Resolution No. 2520 upang imbestigahan ang bagay na ito. Ani Alejano: “The water service interruptions evidently experienced by numerous residents and consumers in Metro Manila and the Province of Rizal is a matter of utmost public interest and deserves the immediate attention of Congress to uncover its roots in order to employ measures to mitigate its effects and prevent such incident from occurring in other parts of the country, and from persisting in the future.”

“The government must be proactive in addressing the problem. Hindi p’wedeng lahat na lang tayo ay titingala sa langit at maghihintay ng ulan para masolusyunan ang problemang ito,” dagdag pa ni Alejano.

Agad namang itinakda ni Sen. Grace Poe, bilang pinuno ng Senate panel na didinig sa bagay na ito, ang hearing hinggil sa “water crisis” sa Martes ng susunod na linggo. Aniya: “What we are seeing now is not normal and something that our households and farmers do not deserve.”

Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]

-Dave M. Veridiano, E.E.