Nasa kalagitnaan na tayo ngayon ng ikatlong buwan ng 2019. Dapat sana ay tumatakbo ang pamahalaan sa ilalim ng P3.7 trilyong pambansang budget ng 2019 mula pa noong magsimula ang taon nitong Enero, ngunit hanggang ngayon ay hindi pa naaaprubahan ng Kongreso ang General Appropriations Bill para ngayong taon.
Sa takbo ng dalawang Kapulungan ngayon, sa mga sigalot sa pagitan ng mga mambabatas na nagbabatuhan ng akusasyon at paninisi sa isa’t isa, malamang na sa ngayon ay hindi pa rin maipasa ang 2019 national budget. Baka abutin pa ito ng Agosto, kapag ang kasalukuyang grupo ng mga nagbabangayang mambabatas ay napalitan na ng mga bago sa isang buong bagong Kamara de Representantes at bagong Senado na ang kalahati ng mga miyembro ay ihahalal sa Mayo.
Nagpapatuloy ang operasyon ng pambansang gobyerno sa paggamit ng lumang 2018 budget, na isinasaad ng Konstitusyon, na awtomatikong muling ipatutupad sakaling hindi maaprubahan ng Kongreso ang bagong budget sa itinakdang oras. Ngunit maraming item sa bagong panukalang-budget na hindi maisasakatuparan. Kabilang dito ang maraming proyektong pang-imprastraktura sa ilalim ng malawakang “Build, Build, Build” program ng administrasyon. Kasama rin dito ang ikaapat na bahagi ng dagdag na sahod para sa mga empleyado ng pamahalaan.
Umiikot ang pagtatalo ng kasalukuyang budget sa mga pondo para sa mga pampublikong proyekto sa ilang tiyak na distrito ng bansa. Sinasabi ni Sen. Lacson na P70 bilyon ang inilagak sa pondo ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa nakatakdang paglalaan ng halaga para sa mga proyekto na kikilalanin ng ilang sangkot na kongresista. Bumwelta naman ang mga kongresista ang sinabing may sariling mga itinagong pondo ng “pork barrel” ang mga senador na kasama sa budget ng DPWH.
Isang Bicameral Conference Committee ang nagpulong upang ayusin ang mga pagkakaiba sa pagitan ng nagtatalong mga kongresista at mga senador at sa wakas ay inaprubahan ang batas para sa pambansang budget. Ngunit inaakusahan naman ngayon ni Sen. Lacson, na patuloy na binabago ng mga kongresista ang panukalang-batas bago pa ito mailabas. Iginiit naman ni Rep. Rolando Andaya, pinuno ng House Committee on Approriations, na itinatala lamang nila isa-isa ang mga lump sums sa batas.
Anuman ang rason sa hindi pagkakasundo sa pagitan ng mga kongresista at mga senador, ang katotohanan ay nananatiling hindi aprubado ang 2019 National Budget sa Kongreso. May mga suhestiyon na i-veto na lamang ni Pangulong Duterte ang mga item na sa tingin niya ay mga “pork barrel” na isiningit ng mga mambabatas ng magkabilang Kapulungan. Ngunit wala naman maibe-veto, lalo’t nasa Kongreso pa rin ang National Appropriations Bill at hindi pa naipapasa sa Malacanang.
Sa kada araw na bigong maaprubahan ng Kongreso ang panukalang pambansang budget, ilang mga proyekto ang naantala, ilang mga bayarin ang hindi naipatutupad, bumababa ang Gross Domestic Product (GDP) dahil sa ‘underspending’ ng pamahalaan.
Sa kabila ng mga akusasyon at mga bintang, patuloy tayong nagtitiwala sa ating mga opisyal. Nawa’y matapos na nila ang kanilang tungkulin sa lalong madaling panahon, matapos ang mga kompromiso na likas sa isang demokrating pamahalaan, upang mapagtibay na ang matagal nang naantalang 2019 National Budget.