IPINAGDIRIWANG sa buong mundo ngayong Marso ang Buwan ng mga Kababaihan. Gaya ng dati, nakatuon ang tema ng pagdiriwang sa pagbibigay ng kapangyarihan sa kababaihan at dapat na patas nilang katayuan sa mga lalake.
Sa kabila ng makabuluhang pagsulong ng antas ng mga kababaihan sa nakaraang mga dekada, napatunayan sa mga pag-aaral na nananatiling lamang ang mga lalaki sa mga babae sa maraming aspeto. Ang mga karaniwang mahihirap na maybahay na napipilitang manatili sa bahay, ang pinakamalaking sektor na napapabayaan.
Ang naturang grupo na tinatayang aabot ang bilang sa 12 milyon, ay itinuturing na “walang silbi” at hindi bahagi ng aktibong labor force dahil hindi sila sumasahod. Sa karaniwang pananaw sa Economics, “ang gawaing hindi binabayaran ay hindi itinuturing na makabuluhang trabaho.”
Gayunman, ginagampanan ng mga maybahay ang napakahalagang mga tungkuling malaking di-hamak ang ambag sa panlipunang kagalingan. Bukod sa pag-aasikaso sa asawa, inaalagaan at inihahatid nila ang mga bata sa paaralan, tinutulungan sa kanilang assignments, pinagkakasiya ang kakapurit nilang kita, namamalengke, at iba pang gawaing bahay.
Para mabigyan ng makabuluhang kapangyarihan ang naturang mga maybahay, nakahain ngayon sa Kamara ang House Bill 8875 ni Albay Rep. Joey Salceda ang panukalang naglalayong kilalanin ang mahahalagang tungkulin nilang ginagampanan at ambag sa lipunan sa pamamagitan ng kaunting sahod o ayudang pera.
Isang kilalang ekonomista, panukala ni Salceda na unang pagtuunan ang mahihirap na maybahay na may mga anak na edad 12 pababa, na pasasahurin ng buwanang P2,000 hanggang sila’y makaigpaw o lumampas na sa edad 12 ang mga anak. Ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang babalangkas sa mekanismo ng programa at kikilala sa mga dapat ayudahan.
Panukala sa HB 8875 ang pagtatalaga ng taunang P35-bilyon para sa social protection ng programang ito, na ang P32 bilyon ay mapupunta sa mga kasal na maybahay at P3 bilyon naman sa mga nanay na walang asawa, balo at ibang kagaya nila. Ang panukalang buwanang sahod na P2,000 ay katumbas ng mababang sahod ng isang kasambahay.
Hindi na bago ang kaisipang ito. May programang 4Ps o conditional cash transfer na tayo ngayon na nagbibigay ng buwanang ayuda sa 4.3 milyong nagdarahop na pamilya, bukod sa isa pang nagkakaloob naman ng buwanang P300 tulong sa mga mahihirap. Mula sa macro-economic na pananaw, malaki ang nagagawa ng mga ito para pakilusin at pasulungin ang ekonomiya tungo sa makabuluhang pag-unlad.
Mula rin sa malikhain at makataong pananaw ni Salceda ang naturang mga batas at programa.
-Johnny Dayang