“ALAM ninyo, kayong mga babae, ipinagkakait ninyo sa akin ang karapatan kong sabihin ang aking saloobin. Binabatikos ninyo ako sa bawat pangungusap o salita na sinasabi ko. Pero, iyan ay ang kalayaan kong ihayag ang aking sarili. Mahal ko ang babae. Hindi dahil sa sinasabi kong gusto ko ang mga babae ay sinisira ko ang kanilang dangal. Hindi nila ako maintindihan. Wala akong naaalala na hindi ko iginalang o siniraan ang sinuman,” wika ni Pangulong Duterte sa seremonyang ginanap sa Malacañang nitong Lunes ng gabi sa pagpaparangal sa sampung babaeng pulis at sundalo.
“Nais kong ipaalala sa Pangulo na ang kalayaang magpahayag ay nakapaloob sa karapatang pantao. Sa kontekstong ito, ang karapatan ng indibiduwal na maghayag ng saloobin ay hindi dapat balewalain ang karapatan ng iba, tulad ng karapatan ng mga babae na maging malaya sa karahasan. Kapag ang Pangulo ang nagsabi na okay lang ang manggahasa ng babae, itinataguyod niya ang kultura ng rape, na ultimo ay nagbubunga ng panggagahasa sa mga babae. Ang epekto ng marahas na pananalita laban sa kababaihan ay masasalamin sa mga malawakang pagpatay, pagbabanta sa buhay ng mga pari at pagbatikos ng mga lider- kababaihan ng oposisyon,” sabi ni Senador Risa Hontiveros bilang reaksyon sa naging pahayag ng Pangulo.
Mahirap tanggapin ang paliwanag ng Pangulo na wala siyang layuning maliitin at siraan ang kababaihan. Marahil, mauunawan siya kung iba ang dahilan kung bakit siya nagkakaganito. Pinuno kasi siya ng bansa at sa kanya ipinagkatiwala ng sambayanan ang kanilang kapangyarihan. At ang kapangyarihang ito ay gagamitin niya sa ikabubuti ng lahat o nakararami, at hindi ikasasama ng kahit sino o grupo ng mga tao. Anong kabutihan, halimbawa, iyong ipagmalaki mo sa iyong tagapakinig na minsan noong ikaw ay bata, ay ipinasok mo ang iyong daliri sa ari ng natutulog ninyong kasambahay? Makabubuti bang gawing biro ang panggagahasa? Nakakaganda ba sa ikatatahimik ng bansa ang utusan mo ang mga sundalo na barilin sa kanilang ari ang mga babaeng rebelde?
Ang pagiging marahas ng Pangulo sa kanyang pananalita ay nagbubunga na ng mga pagpatay at karahasang nangyayari sa ating bansa hindi lamang sa mga kababaihan. Kung ano ang mga krimeng naganap noon nang ipagkatiwala ng mamamayan sa kanya ang kanilang kapangyarihan sa kanyang pangako na susugpuin ang mga ito, dahil umasa sila sa kanya na magagawa niya ito, ay siya ring mga krimeng ngayong namemerwisyo at nagpapahamak sa mamamayan. Hindi lang sa mga kalye, kundi maging sa mga tahanan, ay nagaganap ana ng mga ito.
Walang nagkakait sa Pangulo sa kanyang karapatang magpahayag. Pero, iyong inako niyang tungkuling mamuno ng bansa at pagtitiwala na ibinigay sa kanya ng taumbayan na tapat niyang tutuparin ito, ay may limitasyong dapat niyang isaalang-alang sa paggamit niya ng karapatan. Kapag ikaw ang namuno, magbigay ka ng magandang halimbawa. Iyong halimbawang igagalang ka, pero iginagalang mo rin sila. Kung ano ang nais mong gawin nila, ikaw ang makikitang unang gumawa, kung maaari. Hindi lang iyong ikaw ay malinis kundi nasa itsura mo ang pagiging malinis. Sa ganitong paraan, maluwalhati mong maitataguyod ang polisiyang nais mong maipatupad.
Kung sa ganitong konteksto ilalagay ang war on drugs ng Pangulo, sa palagay kaya ninyo ay magtatagumpay ito? Hindi. Kasi, pananakot lang ang nangyari. Sa sinseridad, kulang na kulang. Nakapapatay ka na sa pagpapairal nito, wala namang nahuli o matukoy na taong nagpapasok ng bilyun-bilyong halaga ng shabu na nagdaan pa sa pantalan ng bansa.
-Ric Valmonte