Muling nanawagan ang Department of Health (DOH) sa publiko na mag-ingat laban sa kagat ng lamok, bunsod nang pagdami ng kaso ng dengue na naitatala sa bansa.
Batay sa pinakahuling datos na inilabas ng DOH kahapon, umakyat na sa 40,614 dengue cases ang naitala sa bansa mula Enero 1 hanggang Marso 2 pa lamang.
Mas mataas ,anila, ito ng 68% o 16,383 kaso kumpara sa naitalang 24,231 dengue cases lamang noong kahalintulad na petsa ng nakaraang taon.
Kaugnay nito, muli ring hinimok ng DOH ang publiko na gamitin ang kanilang isinusulong na 4S Strategy na kinabibilangan ng ‘searching and destroying mosquito breeding places’; ‘securing self-protection measures’ gaya ng pagsusuot ng pantalon at pajama, at long sleeved shirts, gayundin ang paggamit ng mosquito repellent at kulambo sa pagtulog; ‘seeking early consultation’ o maagang pagkonsulta sa doktor; at ‘support fogging and spraying in hotspot areas.’
Ipinaliwanag ng DOH na sa ngayon ay wala pa ring tiyak na lunas sa dengue ngunit maaaring maiwasan ang pagkamatay sa sakit, sa pamamagitan ng early detection at access sa medical care.
Mas makabubuti rin anila kung hindi makakagat ng lamok, na siyang nagdadala ng sakit na dengue.
“We are encouraging the public to practice the 4S strategy, especially now that there are more opportunities for the mosquitoes to make stagnant water around these water containers their breeding places," paalala ng DOH.
-Mary Ann Santiago