Ikinulong ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Pakistani matapos na magpakita ng pekeng Philippine visa sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Sa ulat kay Immigration Commissioner Jaime Morente, kinilala ni BI port operations chief Grifton Medina ang Pakistani na 25-anyos na si Salman Khan, na inaresto sa immigration departure area ng NAIA nitong Lunes.
Si Khan, na overstaying alien, ay nagtangkang ilehal na umalis sa bansa.
"The immigration officer became suspicious of his documents and his demeanor, so he was referred for secondary inspection to members of the BI’s travel control and enforcement unit (TCEU)," ani Medina.
Sa imbestigasyon, nakumpirma na ang Philippine visa sa pasaporte ng Pakistani ay peke.
Ayon kay TCEU chief Erwin Ortañez, ang pasaporte ni Khan ay naglalaman din ng pekeng BI departure stamp na nagpapakitang dumating siya sa bansa noong Nobyembre 18, 2018, sa pamamagitan ng pekeng Philippine visa na inisyu noong Oktubre 10, 2018.
"Said arrival, however, was not in our travel database, which meant that he did not really arrive on that date," ani Ortañez.
Kalaunan ay nadiskubre na dumating sa bansa si Khan noong Hunyo 2015, kaya siya ay overstaying alien.
-Jun Ramirez at Mina Navarro