IPINOSTE ng National University ang ikalimang sunod nilang panalo matapos walisin ang University of the Philippines, 25-19, 25-17, 25-15, kahapon sa UAAP Season 81 men’s volleyball tournament sa Filoil Flying V Center sa San Juan.

Nagtala si Bryan Bagunas ng 17 puntos upang pangunahan ang ikalima nilang panalo sa anim na laro upang manatiling nasa likod ng namumunong Far Eastern University (6-0).

Humataw ang Bulldogs ng 44 hits sa orkestrasyon ni rookie setter Joshua Retamar, na nagposte ng 24 excellent sets.

Nanguna naman si Mark Millete na may 12 puntos para sa Maroons na nanatiling winless matapos ang anim na laro.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Sa isa pang laro, naiposte ng Ateneo de Manila ang ikatlong sunod na panalo matapos igupo ang Adamson University, 25-18, 25-22, 25-21.

Muling namuno si Russian-American Tony Koyfman para sa Blue Eagles sa iniskor nitong 14 puntos.

Bunga ng panalo, umangat ang Blue Eagles sa markang 4-2 habang bumagsak naman ang Falcons sa patas na markang 3-3, katabla ng University of Sto. Tomas.

-Marivic Awitan