ITO lagi ang isa sa panlipunang palaisipan ng mga awtoridad, magulang, paaralan, at ng simbahan na mayroong samu’t saring pananampalataya. Hindi lingid sa kaalaman ng publiko na si Pangulong Rodrigo Duterte ang unang nagbulgar ng tumitinding suliranin hinggil sa droga. Sa pagpapaliwanag ni Digong, ang Pilipinas ay papunta na sa bangin ng pagiging “narco-state”, o estadong lulong sa droga. Pati ang ating demokrasya ay namemeligro na rin dahil sa humahabang listahan ng mga pulitikong tumatanggap ng suhol mula sa mga sindikato ng ipinagbabawal na gamot. Minsan pa ay sila na mismo ang lumulusong sa negosyo ng pagtutulak, o siyang namumuhuan na maituturing na drug-lord.
Sana ay nasipat agad ito sa panahon ni dating Pangulong Gloria Arroyo, nang hindi na lumaganap. Ewan ko ba, ang pamahalaang PNoy ay wala ring nakitang pagbabadya sa umuusbong na lagim ng shabu at cocaine. Sa anim na taon, ‘tila naging bulag, pipi, at bingi ang “dilawang” mata, bibig, at tenga. Bakit kaya?
At ito na nga, may “drug war” na sa bawat pusod ng ating lipunan. Umaga pa lamang ay binabati na ang lipunan ng duguang mga katawan ng tulak ng droga sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Ang sa akin lang naman, sana ay madagdagan pa ang mga paraang susugpo sa naturang salot sa pamilyang Piipino. Isang halimbawa ng hakbang ay ang pagsasailalim ng Palasyo sa bansa sa “national security threat”. Sa ganitong antas ay maaari nating gamitin ang lahat ng sandata ng estado kontra droga. Isa na rito ang pagsasabatas o pagpapabumbalik ng death penalty, basta ang krimen ay kinasangkutan ng malakihang halaga ng shabu o cocaine.
Maliban nito, kinakailangan ding maparusahan ang mga dayuhang nagluluto, nagdadala o nagbebenta ng bultu-bultong shabu, at kung mamalasin ay mamataang nakahandusay sa lansangan. Ano kayo, sinuswerte? Babala: Huwag mangahas na saktan at sirain ang bayan ng mga Pilipino!
Isa pang maaaring paraan, laging magsagawa ng raid sa kubol ng mga nakapiit at tiktik na drug lords sa piling mga kulungan. Tepok din dapat. Pati mga opisyal at empleyado ng Bureau of Customs (BoC) ay dapat ding bigyan ng babala. Tulad sa lamok, sampolan!
Maaari ring magpadala ng Pilipinong delegado sa China upang ipaabot ang panawagang higpitan ang seguridad nila sa pagpapalusot ng shabu sa ‘Pinas. At palawigin ang anti-drugs sa tulong ng Amerika.
-Erik Espina