DUMATING sa unang araw ng burol ni Chokoleit sa isang punerarya sa may Antipolo nitong Lunes, March 11, ang magkakaibigang komedyante na sina Pokwang, K Brosas, Pooh, John “Sweet” Lapus at ang It’s Showtime host na si Vice Ganda.
Sa burol ay naikuwento ni Pokwang kung paano nagparamdam sa kanya si Chokoleit, isang araw pagkatapos nitong mamatay sanhi ng heart failure sa Abra, na pinagtanghalan nito kasama ang ilang celebrities gaya nina JM de Guzman, Pops Fernandez at Paulo Avelino.
“Napanaginipan ko siya kagabi,” lumuluhang kuwento ni Pokwang nang makausap ng writer na si Jerry Olea sa burol.
“Kasi, usually ‘yan, pumupunta sa bahay ko, magkakalkal lang sa kusina. Mag-uuwi ng kung anong mababalot niya ro’n. So, napanaginipan ko ‘yan na nagagalit, kasi wala raw siyang makitang pambalot. Kasi, usually, ang ginagamit niya, ‘yung microwaveable na plastic.
“Nu’ng buhay pa siya, tinatalakan niya ‘yung mga kasambahay ko. Iyon ang nakaka-miss sa kanya. Saka ‘yung nagse-share siya ng advice na ganito dapat, ganyan. ‘Mag-ano ka na. May ganito ka. May maliit kang anak. Isipin mo, hindi ‘yung puro ganyan, dapat ‘yung anak mo naman’.
“Iyon ang nami-miss ko sa kanya,” sabi pa ng komedyante.
Napakaraming magagandang alaala na iniwan si Chokoleit kay Pokwang. Hindi niya kayang isa-isahin.
“Si Chokoleit kasi, tumayo pa lang diyan, tawang-tawa na kami, e,” pakli ni Pokwang. “Wala pa siyang sinasabi, wala pa siyang ginagawa, tawang-tawa na kami.
“Ang hindi ko malilimutan, siguro ‘yung mga kuwento niya lagi sa akin na nase-second interview lagi siya sa Amerika, kasi may kapangalan siyang kriminal.
“‘Tapos, ‘yung... sa hotel! Sa Amerika na naman, sa hotel!Iyong nailagay na pangalan sa check in, Chokoleit. Sabi, ‘Sorry, the dog is not allowed inside the room!’ Parang ganu’n. So, akala, aso ‘yung Chokoleit!”
Tatlong linggo bago mamatay si Chokoleit, nakapag-usap pa raw silang dalawa.
Gusto nina Pokwang, Chokoleit, K Brosas, at Pooh na itanghal ang show nilang 4 Da Laffs sa Araneta Coliseum.
Sinabihan ni Pokwang si Chokoleit na ibenta na nito ang tinitirahan at lumipat malapit sa bahay niya.
“Iyong lugar kasi niya ngayon, medyo bahain,” lahad ni Pokwang.
“Kaya sabi ko sa kanya, ‘Umakyat ka na dito! Ibenta mo na ‘yung bahay mo d’yan!’ Iyong mga ganu’n. Inaano ko na umakyat na siya ng Antipolo. Aba! Hindi lang Antipolo ang inakyat! Mas mataas pa,” na ang tinutukoy ay langit na mas mataas pa sa bulubundukin ng Antipolo.
“Ang bongga talaga ng kaibigan kong ‘yan! Ang usapan lang, Antipolo. ‘Di ba?”
Paniwala ni Pokwang, masyado pang maaga ang pagpanaw ni Chokoleit sa edad na 46.
“Para sa amin na mga kaibigan niya, it’s too early pa,” lahad ni Pokwang.
“Ang dami pa niyang p’wedeng ibigay, e. Ang dami pa niyang puwedeng i-share na ngiti, na tawa.
“Pero siguro, kailangan na ng magpapasaya sa Itaas,” naluluhang sabi pa ni Pokwang.
-ADOR V. SALUTA