Sa tindi ng silakbo sa pulitika, malamang na matangay sa kanilang kampanya ang mga pulitikal na lider para makuha ang suporta ng mga botante. Kaya naman ito na ang nangyayari sa kasalukuyang kampanya ng mga kandidato para sa Senado ng maka-administrasyon, “Hugpong ng Pagbabago” at ang oposisyon, ang “Otso Diretso.”
Gayunman, higit sa mga pagpapalitan ng mga atake ng mga kandidato, nariyan din ang patutsadahan sa pagitan ng dalawang magkalabang lider ng partido—na hindi naman mga kandidato sa naturang posisyon. Pinangungunahan ni Davao City Mayor Sara Duterte Carpio ang grupo ng administrasyon na “Hugpong” sa pag-iikot sa bansa, habang si Vice President Leni Robredo naman ay kasamang nangangampanya para sa kanyang mga kapartido sa Liberal Party na kumakandidato at kanilang mga kaalyado sa “Otso Diretso.”
Umabot na ang kanilang mga tirada sa punto kung saan nagbabatuhan ng mga akusasyon ang magkabilang panig hinggil sa isyu ng katapatan at integridad sa serbisyo sa publiko. Sinabihan ng kampo ni Robredo ang mayor na iwasan ang pagpapakawala ng mga pahayag na base lamang sa “fake news.” Habang tinawag naman ng huli si Robredo na “fake VP” at ang umano’y malawakang panloloko nito sa kanyang eleksiyon noong 2016.
Sa tumitinding palitan ng mga matitinding batikos, lumabas ang ina ni Mayor Sara nitong Linggo. Tinawagan ni Mrs. Elizabeth Zimmerman Duterte ang kanyang anak at sinabihang ihinto na nito ang pakikipag-away sa oposisyon, itigil ang pagiging “bully” at maging “kind, first before anything else.” Aniya: “Everybody knows you are Rodrigo’s daughter. Let the people know that you are also Elizabeth’s daughter.” Sinabi ni Mayor Sara na susundin niya ang payo ng kanyang ina.
Puno ng mga matitinding pag-atake ang kasalukuyang kampanya para sa halalan sa Mayo, na maaaring mabilis na humantong sa karahasan, lalo’t papalapit na ang panahon ng kampanya para sa mga lokal na posisyon sa pamahalaan. Sa pagtatapos ng panahon ng halalan, asahan natin na hindi lamang mga pangalan ng mga magwawaging kandidato ang iaanunsiyo ng Commission on Election, kundi maging ang mga pangalan ng mga biktima ng karahasan sa halalan.
Eleksiyon ang ubod ng demokrasya sa Pilipinas. Nararapat na gawin ng ating mga opisyal at ng mga mamamayan ang lahat ng maaaring hakbang upang mapanatili itong malaya, malinis, malayo sa kurapsyon at maiwasan na permanenteng maging magkaaway ang mga magkakalaban sa halalan at ang kanilang mga pamilya.
Ang naging paalala ni Mrs. Elizabeth Duterte sa kanyang anak na si Mayor Sara, na maging mabait, huwag umaktong “bully”, at mangampanya ng may pinakamataas na lebel ng respeto sa kanyang mga pulitikal na katunggali, gayundin ang mabilis na desisyon ni Mayor Sara na sumunod sa apela ng kanyang ina, ay dapat na makatulong sa paglikha ng tunay na demokratikong palitan para sa tunay at mapayapang halalan.