KILALA si Cristine Reyes na isa sa mga pribadong artista, dahil kahit noon pa man ay palaiwas na siya sa pagsagot sa mga bagay na tungkol sa kanyang personal na buhay.
Sa presscon ng Maria ay wala siyang naging komento hinggil sa napabalitang paghihiwalay nila ng kanyang mister na si Ali Khatibi at ‘tila ipinapahiwatig niya na ipokus na lamang sa pelikula ang mga tanong.
Isang action movie ang Maria at isang assassin ang role ni Cristine at kinailangan niyang balikan ang dati niyang gawain para makapaghiganti.
Tulad ni Anne Curtis, na sumabak sa action sa Buy Bust, sumailalim si Cristine, who is a martial arts enthusiast, sa matinding training. Halos lahat ng action stunts ay si Cristine mismo ang gumawa at hindi siya pumayag na magkaroon ng double.
Pinuri naman nang husto ni Direk Pedring A. Lopez ang dedikasyong iniukol ni Cristine sa pelikula nang sabihing “she handles the fight scenes very well.”
Si Direk Pedring ay naging Best Director sa Los Angeles Phil Film Festival para sa pelikulang Nilalang. Big fan si Direk Pedring ng mga action films noong dekada ‘80 at gusto niya itong i-revive gamit ang Filipino martial arts na mapapanood sa Maria.
-REMY UMEREZ