MISMONG mamamayan na ang nagpasya. Sa nakalululang “yes” votes na umabot sa 1,540,017 kumpara sa 198,750 na bumoto ng “no”, naratipikahan ang Bangsamoro Organic Law sa mga plebisitong idinaos noong Enero 21 at Pebrero 6.
Batay sa mga plebisito, ang bagong Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ay bubuuin ng limang lalawigan (Maguindanao, Lanao del Sur, Basilan, Sulu, at Tawi-Tawi), tatlong siyudad (Marawi, Lamitan, at Cotabato), 116 na bayan, at 63 barangay ( sa anim na munisipalidad sa North Cotabato).
Hindi madali ang simula para sa bagong BARMM. Ilang dekada nang napipigilan ng mga kaguluhan sa Mindanao ang kaunlaran sa rehiyon. Marami na ang nagbuwis ng buhay, at maraming ari-arian ang nawasak. Napakarami ng naging balakid sa mga pagpupursige para sa kapayapaan—gaya ng digmaan, pagkontra, mga problemang legal, at ang huli, isang pumalpak na operasyon ng pulisya.
Nabuhayan ng loob ang prosesong pangkapayapaan nang mahalal si Rodrigo Duterte, ang unang pangulo ng bansa na nagmula sa Mindanao. Isa sa mga ipinangako ni Pangulong Duterte noong nangangampanya ay ang pagsusulong ng kapayapaan sa Mindanao.
Sa loob lang ng dalawang taong pamumuno, inaprubahan na ng Kongreso ang pinal na bersiyon ng Bangsamoro Basic Law (BBL), na tinawag na Organic Law for the Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (OLBARMM). Kalaunan, nilagdaan ito ng Presidente at naging ganap na batas, na nagbigay-daan naman sa makasaysayang plebisito.
Nagpaubaya na ang dating ARMM sa BARMM. At kailangang ibigay natin sa BARMM ang lahat ng suportang kailangan nito. Ang Organic Law ay hindi isang perpektong batas. Batay sa karanasan ko bilang mambabatas, nabatid kong walang batas—lalo na ang human law—ang perpekto. Subalit kapayapaan at kaunlaran sa Mindanao ang ating inaasam, at ang Organic Law na ito ay bahagi ng nagpapatuloy na proseso upang matamo natin ang karapat-dapat para sa ating mga kapatid na nasa Mindanao. Maaaring hindi ang BARMM ang perpektong solusyon, pero ito ang mayroon ngayon tayo at kailangang gawin natin ang ating makakaya upang maging matagumpay ito. Ang kapayapaan at kaunlaran sa Mindanao ay katumbas ng kapayapaan at kaunlaran sa Pilipinas.
Ang dambuhalang tungkuling ito ay unang haharapin ng Bangsamoro Transition Authority (BTA), ang 80-member body na mangangasiwa sa BARMM hanggang sa Hunyo 30, 2022. Ang mga kasapi ng BTA ay itinalaga ng Pangulo at karamihan sa kanila ay nanumpa na sa kani-kanilang tungkulin.
Sa ilalim ng liderato ni Interim Chief Minister Al Haj Murad Ebrahim, kailangang epektibong gabayan ng BTA ang BARMM sa tamang direksiyon. Ang paraan nito ng pamamahala ang magbibigay-daan sa magiging kinabukasan ng kapayapaan at kaunlaran sa rehiyon.
Pagkatapos ng euphoria ng pagpapatibay ng bagong batas at makalipas ang pagdaraos ng plebisito, magsisimula naman ang matinding trabaho. Naniniwala ako sa sinasabi ng karamihan sa mga analysts na kailangan ng bagong BARMM na magpamalas ng mabuting pamamahala, tiyakin ang pagkakaroon ng isang inclusive government, at paigtingin ang demokrasya sa mga komunidad.
Subalit may isang mahalagang gawain pa akong idadagdag—ang pagpapaunlad sa ekonomiya. Lagi kong sinasabi na hindi lang kapayapaan ang inaasinta ng lahat ng ito. Ang hinahangad natin ay kapayapaan at kaunlaran. Titiyakin ng huli na mapapanatili ang una.
Mahalagang lumikha ang bagong gobyerno ng polisiyang papabor sa mga negosyante upang mapasigla ang mga gawaing pang-ekonomiya sa mga komunidad. Likas sa mga Muslim ang pagiging negosyante. Noong aktibo pa ako sa pulitika, at ngayong abala muli ako sa pagnenegosyo, marami akong nakilalang negosyanteng Muslim na kung mabibigyan ng sapat na oportunidad ay magiging matagumpay na katuwang sa paglikha ng mga trabaho at pagpapasigla ng kita.
Alinsunod sa mga aral ng kanilang pananampalataya, kailangan ng BARMM na magtakda ng mga polisiyang pinansiyal na hihikayat sa maliliit na negosyante na lumikha at magpalago ng kani-kanilang negosyo. Para sa akin, ito ang susi sa tagumpay ng BARMM.
Upang maisakatuparan ito, hinihimok ko ang lahat—ang ating gobyerno, ang pribadong sektor, at ang mamamayang Pilipino—na makipagtulungan sa BARMM.
-Manny Villar