INIHAYAG ng Department of Health (DoH) na umabot na ngayon sa 36,000 ang kaso ng dengue sa iba’t ibang panig ng bansa. Iniulat din ng DoH na ang dengue cases sa Cagayan Valley, Mimaropa, Cordillera Autonomous Region (CAR) at Caraga, ay lampas na sa tinatawag na epidemic threshold samantalang lumampas na rin sa alert threshold ang kaso sa Bicol, Western Visayas, Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) at Davao Region.

Bukod sa problema sa dengue, patuloy sa pananalasa ang tigdas (measles) sa maraming parte ng Pilipinas. Marami na rin ang namatay sanhi ng tigdas. Isinisisi ni Health Secretary Francisco Duque III ang epidemya ng measles sa takot ng mga ina na pabukanahan ang mga anak sapul nang sumulpot ang Dengvaxia vaccine controversy na umano’y pinalala ng mga pahayag ni PAO Chief Persida Acosta, dahil sa alegasyon nito na namatay ang mga batang mag-aaral na binakunahan ng Dengvaxia. Itinanggi ito ni Acosta.

oOo

Binigyang-diin nina Pres. Rodrigo Roa Duterte at Malaysian Prime Minister Mahathir Mohamad ang kahalagahan ng “freedom of navigation and overflight in South China Sea” sa pagpapanatili ng kapayapaan at progreso sa rehiyon sa harap ng territorial disputes sa China.

Nagpasalamat si PRRD sa 93-anyos na lider ng Malaysia dahil sa suporta nito sa prosesong pangkapayapaan na isinusulong ng Duterte administration. Si Mahathir ay bumisita sa Pilipinas upang lalong palakasin ang ugnayan ng Pilipinas at Malaysia.

oOo

Dahil tag-araw na ngayon, posibleng malaking aberya ang maranasan ng mga Pinoy bunsod ng pagsasara ng ilang malalaking planta ng kuryente sa Luzon. Dahil dito, naglabas ng yellow alert noong Marso 5 ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP). Ang yellow alert ay kapag ang reserbang enerhiya ay hindi sapat para mapunan at paandarin ang malalaking makinarya para magprodyus ng kuryente.

Sinabi ng NGCP, ang kapasidad ng Luzon grid ay nasa 10,115 megawatts (MW) samantalang ang kailangang enerhiya ay 9,491MW. Ayon sa Department of Energy, may sapat pang supply ng kuryente sa PH, ngunit ang pagpapalabas ng yellow alert ng NGCP ay senyales na nasa alanganin ang enerhiya.

Samakatuwid, kailangan ng bansa ang makabagong mga planta upang matugunan ang pangangailangan ng enerhiya at paglago ng bansa. Ang kakulangan ng supply ng enerhiya ay sanhi ng pagtaas ng singil sa kuryente. Takot ang mga dayuhang negosyante na magpasok ng mga proyekto sa ‘Pinas dahil sa taas ng presyo ng kuryente.

oOo

Kumambiyo ang Malacañang tungkol sa isyu ng narco-list ni PRRD na umano’y nakuha mula sa mga impormasyon na nasabat sa wire-tapped phone calls ng foreign governments na ibinigay sa gobyernong Pilipino.

Nilinaw ni presidential spokesman Salvador Panelo ang una niyang pahayag na galing sa mga dayuhang gobyerno ang mga impormasyon na nilalaman ng narco-list ng mga pulitiko. Itinanggi naman ng PDEA na ang source nito ay mula sa mga dayuhan na nakasabat ng phone calls na ibinahagi sa PH. Ayon kay PDEA Director General Aaron Aquino, hindi gumamit ang kanyang ahensiya ng mga impormasyon galing sa foreign governments sa pagtitipon ng listahan ng mga pulitiko na sa paniniwala ng Pangulo ay sangkot sa illegal drugs.

Papaano ito ngayon Spox Panelo? Sablay na naman ang pahayag mo na ayon sa iyo ay isang “educated guess” lamang ang wire-tapped phone calls ng mga dayuhan para sa narco-list. Sablay ka rin noon sa pahayag na gaganti ang China (tit-for-tat) kapag ipina-deport ang illegal Chinese workers sa bansa. Itinanggi ng Chinese Embassy sa Maynila na walang “tit-for-tat approach” at sila ay tatalima sa immigration laws ng Pilipinas. Ano ba ito, joke na naman o hyperbole?

-Bert de Guzman