LAKING gulat ko nang marinig na waring ipinagmamalaki pa ng ilang opisyal ng pamahalaan na ang impormasyong hawak nila laban sa may 82 personalidad na nakasawsaw ang mga daliri sa negosyong ilegal na droga (64 sa mga ito ay mga pulitiko), ay bunga ng “wiretapping”.

Gaya ng inaasahan ko, ang unang bumatikos sa naging opisyal na pahayag na ito mula sa Palasyo ng Malacañang ay si sen. Panfilo “Ping” Lacson, na para sa akin ay may malaking “K” para magsalita laban dito.

Sabi nga ni pareng Rene Sta. Cruz sa kanyang programa sa radio station DZBB ay “malaki ang tama ni Senator Ping” nang punahin nito agad ang pahayag ng tagapagsinungaling, este tagapagsalita ng Palasyo, na si presidential spokesperson Salvador Panelo.

Ani Senator Ping: “Malacañang’s claim that the narco-list information is based on wiretaps by foreign governments doesn’t make things right -- unless those who conducted the wiretap were armed with judicial authorization.”

Hoy mga “matitinik” na operatiba ng pamahalaan laban sa droga at kung anu-ano pang kriminalidad sa bansa, makinig kayo sa sinasabi at ipinapayo sa inyo ni senator Ping lalo pa’t hinggil sa “wiretapping” ang pinag-uusapan dahil “base from experience” niya bilang matagumpay na “crime buster” at pinuno ng Philippine National Police (PNP) ng administration ni Erap.

“If the wiretaps were authorized by the judiciary, its proceeds should have been used as evidence in court as it has strong probative and evidentiary value to prosecute the personalities involved,” ani sen. Ping, at sampalataya ako sa sinabi niyang ito.

Bihasa sa “wiretapping” ang grupo ni sen. Ping noon pa man kaya marami rin silang napataob na criminal syndicate sa bansa – at never nilang ipinagmalaki ang ginagawa nilang ito, upang patunayan sa mga mamamayan na tama at “accurate” ang kanilang “intelligence information” laban sa mga grupo ng mga kriminal.

‘Yun lang, ‘di katagalan ay medyo nasarapan yata sa pagwa-wiretap ang ilan niyang tauhan kaya nagkaroon ng pang-aabuso, at pati na ang ilang pribadong usapan sa telepono sa loob ng Camp Crame ay nai-wiretapped ng mga ito. ‘Me tama ba ako rito, general Eduardo “Mate” Matillano sir?

Si general Mate, isang retiradong opisyal ng PNP, kasi ang aksidenteng nakatuklas sa “listening post” ng mga bata ni sen. Ping noon sa isang kuwarto sa opisina ng Task Force Alpha, at naguluhan siya sa kanyang nakita – mga landline telephone na tanggal ang mga mouth piece at naka-masking tape, at dose-dosenang mga cassette tape na may mga marka sa tagiliran.

Ako ang isa sa mga unang natawagan at nasabihan ni general Mate ng kanyang natuklasan at ang payo ko sa kanya, kumuha siya ng mga markadong cassette tape at siguradong mga “wiretapped” conversation ang mga iyon. Sinunod niya naman ang bilin ko at ipina-safekeeping pa nga niya sa akin ‘yung iba rito. The rest is history.

May mga matitinik na grupo sa Camp Crame na nasamahan ko sa kanilang mga operasyon at walang duda na gumagamit sila ng “wiretapping” – alam ko dahil privy ako sa kanilang ginagawa -- upang makakuha ng “vital information” o mga lead para mahuli agad ang kanilang mga target na kriminal, pero ni minsan ay hindi nila ipinagyabang na ang hawak nilang impormasyon ay galing sa “wiretapping”, bagkus pinakatagu-tago nila ito bilang isang sikreto ng kanilang matagumpay na “crime busting” sa bansa. ‘Wag lang aksidenteng mabubuking ang kanilang ginagawa, gaya ng nangyari sa mga bata ni Ping.

Bilin nga sa akin ng isa sa mga paborito kong lawyer, walang silbi sa korte ang mga usapang nakuha sa “wiretapping” dahil “it is nothing but the fruit of a poisonous tree!”

Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected].

-Dave M. Veridiano, E.E.