Sinimulanna ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang pagtatalaga ng mga amphibious excavators sa 1.5 kilometrong baybayin sa kahabaan ng Roxas Blvd. sa pagitan ng Manila Yacht Club at ng Embahada ng Amerika.
Hindi bababa sa 20 truck ang gagamitin upang ikarga ang mga basura na inaasahang mahuhukay ng mga excavators mula sa tubig na malapit sa baybayin. Nagkakaroon ng mga panaka-nakang paglilinis sa baybayin ang iba’t ibang grupo na nakakalikom ng mga basura sa baybayin ng look. Sa pagkakataong ito, gamit ang mga excavators, pakay ng DPWH at DENR na mas malayo ang maabot nito sa look at matanggal ang mga basurang natambak na doon sa maraming nagdaang dekada.
Mapupunta ang mga banlik at basura na maiaagat mula sa tubig ng Manila bay sa waste segregation machines at saka dadalhin sa Navotas landfill habang ang mga burak at lupa ay itatambak sa Bicutan, Taguig City. Maaaring abutin ng tatlong buwan ang paghuhukay na ito. Ang hangad ay ang matanggal ang lahat ng basura na ngayon ay tumatabon sa buhangin sa ilalim ng look.
Gayunman, kailangang bigyang-diin na ang paghuhukay na ito ay bahagi lamang ng planong rehabilitasyon para sa Manila bay. Ang mas malaking bahagi nito ay ang pagtanggal sa polusyon na ngayon ay dumadaloy dito sa mga maruruming tubig na nagmumula sa libu-libong kabahayan at establisyamento sa Metro Manila. Dahil sa lahat ng duming ito, sinasabing umabot na sa 350 MPN (Most Probable Number) per 100 milliliters, ang fecal coliform bacterial level sa maraming bahagi ng look, gayong nasa 100 MPN lamang ang katanggap-tanggap.
Sa simula ng paglilinis, ipinag-utos ang pagsasara ng Manila Zoo, kasama ng ilang hotel at kainan na direktang nagtatapon ng kanilang dumi sa mga alkantarilya na dumadaloy patungong look. Ang dalawang water concessionaries ng Metro Manila na matagal nang nangongolekta ng pondo mula sa mga kabahayan upang magtayo ng wastewater treatment plant, ay umaasang masasakop ang halos 100 porsiyento ng kanilang mga sakop na lugar bago ang 2037.
Ito ay sa Metro Manila pa lamang kasama ng Ilog Pasig na tumatanggap sa mga dumi na nagmumula sa siksikang bayan, gayundin sa Laguna de Bay kasama ng mga bayang nasa paligid nito at ang limang ilog na dumadaloy dito mula sa Katimugan ng Luzon—ang ilog ng Boso-boso sa Rizal, ang ilog ng Zapote sa Cavite, ilog San Cristobal sa Laguna, ilog ng San Juan sa Batangas at ang ilog ng Iyam-Dumacaa sa Quezon. Ayon sa DENR daan-daang babuyan ang nagtatapon ng kanilang mga dumi ng hayop sa mga ilog na ito.
May iba pang mga ilog na direktang nagdadala ng kanilang sariling polusyon sa Manila Bay mula sa Bataan sa kanluran, Pampanga at Bulacan sa hilaga, at Cavite sa timog.
Lahat ng polusyong ito ang nagluklok sa Manila bay sa kasalukuyang kalagayan nito, isang bahagi ng tubig na hindi ligtas na languyan o
ng anumang uri ng “contact recreation.”
Tatanggalin ng mga excavators na ilalagay ng DPWH at DENR ang mga nakikitang basura na nagtataklob sa buhangin sa kahabaan ng Roxas blvd. Ngunit hindi gaanong nakikita ang tunay na polusyon—ang mga bacteria na dumarami mula sa maduming tubig ng Metro Manila at Laguna de Bay, na maaaring magdulot ng sakit.
Hindi tayo dapat umasa ng mabilis na solusyon sa matagal nang napabayaang problema ng Manila Bay. Tanging magagawa natin ay magpasalamat na sa wakas ay tinutugunan na ito ng pamahalaan.