“TATALAKAYIN ko sa aking pakikipag-usap sa China ang kontrata na nilagdaan ng pinalitan ko sa bansang ito na hindi nakabubuti sa aming bansa,” wika ni Malaysian Prime Minister Mahathir Mohamad sa panayam sa kanya sa telebisyon.
Si Mahathir, na nasa ating bansa sa kanyang state visit, ay kasalukuyang Prime Minister ng Malaysia matapos niyang talunin sa halalan si Najib Rasak. Nagretiro na siya at ipinaubaya na sa iba ang pamumuno sa kanyang bansa, subalit napilitan siyang kumandidatong muli sa edad niyang 92 dahil nakita niyang sa ibang direksiyon na pinatatakbo ang kanilang gobyerno at hindi na ito maganda sa kanilang bansa.
Binalaan ni Mahathir ang Pilipinas laban sa pagdagsa rito ng mga dayuhan na makagugulo sa “political equation.” Ang nais niyang mangyari ay hindi na dumami ang mga dayuhan na maging sanhi para magulo at maimpluwensiyahan ang sambayanan sa mga desisyon at polisiya na sila lang ang makapagpapasya para sa kanilang kapakanan.
Napapanahon ang babala ni PM Mahathir, dahil ayon sa mga mambabatas, may 200,000 Intsik na ang nagtatrabaho sa ating bansa. Ang problema, binibigyan pa sila ng proteksiyon ng Pangulo kahit ilegal silang naririto sa Pilipinas. Ayaw ng Pangulo na ipagalaw ang mga dayuhang ito dahil, aniya, baka gantihan ng China ang Pilipino na karamihan ay nasa Hong Kong.
Eh, ang mga Intsik na nasa bansa ay pumasok muna bilang turista at saka kukuha ng permiso para makapagtrabaho. Ang karamihan sa kanila ay nasa online gambling.
Sa hangarin pa na mapatahimik ang ating mga manggagawang nagrereklamo na inagawan ng trabaho ng mga Instik sa kanilang sariling bansa, sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na nagkausap na sila ni Chinese Ambassador Zhao Jianhua. Ayon daw sa ambassador, kapag ipinatapon sa bansa natin ang mga manggagawang Intsik nang walang due process, ganito rin ang gagawin nila sa mga Pilipino na nasa kanilang bansa.
Ipinagkaila naman ito ng Chinese Ambassador. Aniya, kaparatan ng ating bansa na ipatapon ang kanilang mga manggagawa na ilegal na nagtatrabaho rito. Ipinakita lang ni Panelo na animo siya ang Pangulo na puwedeng magsabi sa taumbayan ng nais niyang sabihin kahit ito ay kasinungalingan.
Bukod sa tagubilin ni Mahathir sa ating bansa laban sa kanyang kaluwagan sa pagtanggap ng maraming dayuhan na makasisira sa ating political equation, pulutan din ng aral ang sinabi at gagawin niyang pakikipag-usap muli sa China hinggil sa mga transaksiyong pinasok ni dating Prime Minister Rasak, na kanyang pinalitan, na hindi makabubuti sa kanilang bansa. Sana ay gawin itong gabay ng mga susunod na mamamahala sa ating pamahalaan.
Kamakailan, pumasok na sa kontrata ng ating bansa ang ipinautang ng China sa Pilipinas na 62.09 milyong dolyar. Ang halaga ay gagamitin ng ating pamahalaan sa pagpapagawa sa Chico River Pump Irrigation Project sa Kalinga. Ito ang unang proyektong pinondohan ng China sa ilalim ng administrasyong Duterte kaugnay ng “Build, Build, Build” infrastructure program nito.
Ayon sa senatorial candidate na si Neri Colmenares, mabigat ang obligasyon ng bansa sa nasabing kontrata. Kasi, isinangla ng Pilipinas ang “patrimonial assets and assets dedicated to commercial use” nito. Bilang collateral ay iwinawaksi nito ang kapangyarihan bilang bansa sa mga ito. Kapag hindi nakabayad ang bansa, kung susundin ang kontrata, iilitin ng China ang mga ari-arian nito tulad ng naganap sa Sri Lanka, Djibouti, Maldives at iba pang bansa.
Sa kopya ng kontrata na iwinagayway ni Colmenares, hindi nakasaad kung anu-ano ang mga ari-arian ng bansa na puwedeng ilitin ng China. Ang China ba ang bahalang magsabi at mamili?
Ang katwiran ng administrasyon, kaya ito pumayag sa nasabing kondisyon ay dahil kaya raw itong bayaran ng bansa. Paano kung hindi mabayaran? Wala na sila sa puwesto. Ang susunod na henerasyon na ang mananagot sa obligasyong ito.
-Ric Valmonte