Nasa kabuuang 862,237 paslit ang napagkalooban ng Department of Health (DoH) ng bakuna kontra tigdas sa Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon (Calabarzon).
Sa ulat ng Regional Epidemiology and Surveillance Unit (RESU), ang naturang bilang ay 50.9 porsiyento ng mga batang nabakunahan nila mula Enero 1, 2019 hanggang Marso 11, 2019.
Ayon kay Regional Director Eduardo Janairo, pinakamaraming nabakunahan sa Cavite, na umabot sa 235,604 (52.10%); sumunod ang Laguna, 189,433 (52.53%); Batangas, 108,898 (34.09%); Rizal, 214,253 (61.55%); at Quezon, 114,049 (47.35%).
Kaugnay nito, iniulat din ng DoH-Calabarzon, na umabot na sa 5,041 ang iniulat na measles cases sa rehiyon at 104 sa mga ito ang binawian ng buhay dahil sa kumplikasyon.
Pinakaraming naitalang biktima ng sakit sa Rizal na may 2,559 kaso at 72 patay; sumunod ang Laguna, 759 kaso at 11 patay; Cavite, 737 kaso at 12 patay; Batangas, 526 na kaso at 4 patay; Quezon, 460 kaso at limang patay.
Tiniyak ni Janairo na patuloy nilang sinusuyod ang rehiyon, maging ang mga liblib at malalayong komunidad upang makapagbakuna.
-Mary Ann Santiago