SA panahon ng Lenten Season o Kuwaresma (nagsimula noong Ash Wednesday, Marso 6, batay sa liturgical calendar ng Simbahan ngayong 2019), maraming tradisyon at kaugalian kaugnay ang nagpapagunita sa huling 40 araw ng public ministry o pangangaral ni Kristo bago maganap ang Kanyang pagtubos sa sangkatauhan na nagwakas sa Kanyang kamatayan sa krus sa bundok ng Kalbaryo.
Isang mababanggit na halimbawa ng tradisyon na hindi nalilimot na bigyang-buhay at pagpapahalaga ng mga Kristiyanong Katoliko ay ang Via Crusis o Way of the Cross. Ang Via Crusis ay karaniwang ginagawa ng mga mananampalataya sa loob ng simbahan o kapilya. Sa itaas ng magkabilang bahagi ng simbahan ay naroon at nakasabit ang mga larawan ng Via Crusis o Way of the Cross.
Sa mga simbahan sa buong daigdig, kasama ang iniibig nating Pilipinas, ay makikita ang mga larawan ng Via Crusis. Ipinakikita sa Via Crusis ang mga hirap at sakit ni Kristo na karaniwang makikitang nakapintura sa dingding o magkabilang gilid ng simbahan o kapilya. Sinasabing ang pandaigdig na pagsasagawa ng Via Crusis ay may impluwensiya ng “The Imitation of Christ”, isang aklat na isinulat ni Thomas Kempis noong ika-15 siglo.
Kung Lenten Season lalo na kung Mahal na Araw o Holy Week, ang mga Kristiyanong Katoliko ay nagsasagawa ng Via Crusis. Ito ay maaaring gawing mag-isa ng mananampalataya. Kung minsan, ginagawa ito ng mag-asawa, magkasintahan o ng mag-anak at isa itong panata at bahagi ng pagbabayad-sala ng mga Kristiyanong Katoliko kung Semana Santa.
May mga deboto na nagpupunta sa iba’t ibang simbahan kung Semana Santa at doon sila nagbi-Via Crusis kasabay ang kanilang Visita Iglesia.
Ang National Artist na si Carlos Botong Francisco ay may dalawang mural ng Via Crusis. Ang unang mural ay makikita sa chapel ng Far Eastern University (FEU) sa Maynila. Ayon kay Badong Juban, isang kilalang pintor sa Angono at isa sa mga artist na katulong sa pagguhit ni Botong Francisco, ang mural ng Via Crusis sa chapel ng FEU ay ipinagawa kay Botong Francsico ng dating Pangulo ng FEU na si Dr. Nicanor Reyes at dating Dekano ng FEU, si dating Secretary of Education at National Artist na si Alejandro Andeng Roces.
Ang ikalawang mural painting ay nasa Don Bosco chapel sa Makati City at may reproduction na ito na iniukit sa kahoy na makikita sa loob ng simbahan ng Angono, Rizal sa Parokya ni San Clemente. Ang umukit nito ay ang mahusay na iskultor sa Paete, Laguna habang ang nagpagawa naman ay si Gng. Rizalina Villamayor Francisco, butihing maybahay ni Botong Francisco. Ang Via Crusis na nasa simbahan ng Angono ay isa sa naging proyekto ng Samahang Viva San Clemente.
Sa panahon ng Kuwaresma, tuwing Linggo ng hapon, may ginaganap na Via Crusis ang mga parishioner at iba pang mananampalataya. Sa Via Crusis ay kasama ang imahen ng Black Nazarene at ng Mahal na Birhen (Mater Dolorosa) na kilala sa tawag na Birhen ng Ina ng Awa. Pagsapit ng 4:00 ng madaling araw ng Biyernes Santo, ginagawa naman ang tradisyunal na pambayang Via Crusis. Kasama rito ang mga kabataan, mga miyembro ng religious organization, mga mag-aaral at iba pa.
Ang pambayang Via Crusis ay natatapos ng 7:00 ng umaga at ng huling bahagi ng nito ay tinatapos sa loob ng simbahan ng Parokya ni San Clemente. Pagkatapos ay ihahatid na ng mga sumama sa Via Crusis ang imahen ng Ina ng Awa at ng Nazareno sa bahay ng mga may-ari ng imahen.
-Clemen Bautista