PUERTO GALERA – Nanatiling malinis ang marka ng beteranong tambalan nina Bea Tan at Dij Rodriguez, gayundin ang magkapatid na Roma Joy at Roma Mae Doromal sa women’s division ng BVR on Tour Amazing Puerto Galera Dreamwave Open nitong Sabado sa Dreamwave White Beach dito.
Magaan na pinataob nina Tan at Rodriguez ang tambalan nina Mer Jauculan at Derie Virtusio ng University of Santo Tomas, 21-11, 21-7, bago sinibak ang magkapakner na sina Cara Rosales at MJ EB ng UST-2, 21-13, 21-9.
Matikas din ang magkapatid na Doromals matapos walisin ang karibal na sina Angel Antipuesto at Mikaela Andres ng Air Force, 21-10, 21-11, gayundin sina May Ann Pantino at Jossa Cabalsa, 22-20, 21-17.
Sa men’s division, nangibabaw ang Visayan tandem nina Kevin Juban at Raphy Abanto laban kina Rancel Varga at Ef Dimaculangan, 21-17, 21-16.
Nagwagi rin sina Ranran Abdilla at Jessie Lopez, December Open men’s division champion, ng Air Force kontra Edward Camposano at James Buytrago ng National University, 21-18, 21-13.
Kinapos naman sina KR Guzman at Krung Arbasto, kampeon sa Dumaguete leg noong Nobyembre, laban kina Varga at Dimaculangan, 21-15, 18-21, 15-13.
Kabuuang 10 koponan sa women’s at men’s division ang sumabak sa torneo.
Ang pamosong resort town sa Occidental Mindoro ay nagi-host din nitong Enero kung saan nagkampeona ng tambalan nina Bea Tan at Charo Soriano, gayundin ang men’s duo nina Jade Becaldo at Calvin Sarte.
“Natutuwa ang mga bata kasi nakakakuha sila ng techniques mula sa inyo,” pahayag ni Puerto Galera Vice Mayor Marlon Lopez, kumatawan kay Mayor Rocky Ilagan, sa ginanap na opening ceremony.
“This (BVR on Tour) is one way of promoting tourism in Puerto Galera.”