AYON kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, ilalabas sa linggong ito ang narco-list. Ang listahang ito ay naglalaman ng mga pangalan ng mga pulitiko na umano ay may koneksiyon sa mga sindikato ng droga. ‘Diumano, 82 ang mga kasalukuyang nakaupo, na karamihan ay mga nanunungkulan sa pamahalaang lokal, at 64 naman sa mga ito ay mga re-electionist.

“Ipinaubaya ko kay Department of Interior and Local Government Secretary Eduardo Año ang kapasiyahang ilathala ito, bagamat pabor akong ilabas ito,” sabi ng Pangulo sa mga mamamahayag. “Hindi ko alam kung sasampahan muna ng kaso ang mga pulitiko bago i-release ang listahan. Hindi mo puwedeng paghintayin ang mamamayan dahil kukuha ng oras kapag idinemanda mo sila. Baka idinedemanda mo pa lang ay nanalo na sila,” sabi ni Panelo. Totoo, aniya, na ang wala sa panahon na pagbunyag ng laman ng listahan ay lalabag sa karapatan ng mga pulitiko sa presumption of innocence, pero binibigyan din naman ng Konstitusyon ang taumbayan na malaman ang mga bagay na nakaaapekto sa kanilang interes. Ang karapatan daw na ito ng mga pulitiko ay hindi dapat mangibabaw sa karapatan ng mamamayan hinggil sa kanilang kaligtasan. Ginawa na kasing national security isyu ng Pangulo ang droga. Ayaw daw ng Pangulo na ang pamahalaan ay patakbuhin ng mga pulitikong sangkot sa droga.

Ayon kay Panelo, tiniyak ni Sec. Año sa Pangulo na bineripika ang narco-list. Pero sinabi naman ni Philippine Drug Enforcement Agency Director Gen. Aaron Aquino na hindi pa lubusang nabeberipika ang listahan. Kung ipapaalam, aniya, ang nilalaman ng listahan, sana ay matapos nila ang revalidation nito. Si Aquino, tulad ng mga ilang senador, ay tutol din sa paglabas ng narco-list bago maghalalan ngayong Mayo. “Natuto na ako, ayaw ko nang ulitin. Maraming komplikasyon nang ilabas ang barangay-level narcolist. May 207 barangay officials ang mga nasa listahan at ang iba rito ay aming tinanganan, pero napakahirap magbuo ng kaso. Kailangan naming imbestigahan ang financial status ng mga opisyal. Isa ito sa dahilan kung bakit atubili akong ihayag ang listahan,” paliwanag ni Aquino. Higit na gusto niyang magtrabaho nang tahimik at isampa na lang ang kaso laban sa mga pulitiko.

Siya ang opisyal na ang mismong tungkulin ay may kaugnayan sa droga at kinumpirma niya na hindi pa nabeberipika nang husto ang narco-list. Sinabi rin niyang napakahirap bumuo ng kaso laban sa mga nasa narco-list. Mabigat ang kredibilidad ni Aquino. Nasubukan na siya ng publiko nang ihayag niya na ang apat na improvised magnetic lifter na inabutan nilang wala nang laman sa warehouse sa GMA, Cavite ay naglaman ng shabu. Pinandigan niya ang posisyong ito kahit siya ay tumestigo sa House Committee on Public Order and Illegal Drugs.

Matatandaan na ang nasabat sa Manila International Container Terminal (MICT) na dalawang improvised magnetic terminal ay naglalaman ng bilyong halaga ng shabu. Ilang araw lang ang nakararaan, pagkatapos ng insidenteng ito, umabot sa kaalaman ng PDEA, NBI at iba pang operatiba na may apat na improvised magnetic lifter, na kauri ng dalawang nauna, na nakalusot sa MICT. Natunton nila ang apat na improvised magnetic lifter sa warehouse sa GMA, Cavite na wala nang laman. Pero nang busisiin nila ang container, napag-alaman nilang may bakas ang mga ito ng shabu. Pinatunayan ito ng sniffing dog. Sa taya ng mga awtoridad, ang naitakas na laman ng apat na container ay nagkakahalaga ng 11 bilyong piso. Ipinagpilitan ni Pangulong Duterte na walang laman ang mga container, pero hindi natinag si Aquino sa pagsalungat sa Pangulo. Kaya lang nga, nagbakasyon siya nang walang paalam.

Kung paniniwalaan si Aquino, na dapat lang, tama ang oposisyon sa pagsasabing ipinananakot ng administrasyon ang narco-list upang ang mga pulitikong sinasabing nasa listahan ay mapuwersang sumuporta sa kanyang mga kandidato. Mukhang nabibingi ang administrasyon sa katahimikang ipinamamalas ng sambayanan. Nais nitong masiguro ang panalo ng kanyang mga ikinakampanyang kandidato.

-Ric Valmonte