Isa na namang tauhan ng National Capital Region Police Office ang inaresto ng anti-scalawag at intelligence operatives ng Philippine National Police sa Pasig City, ngayong Sabado.

PARAK_ONLINE

Kinilala ni Senior Supt. Romeo Caramat, Jr., hepe ng PNP-Counter Intelligence Task Force (CITF), ang suspek na si PO2 Edgar Santos, nakatalaga sa Eastern Police District (EPD).

Ayon kay Caramat, naghain ng arrest warrant ang CITF at IG teams laban kay Santos habang nagtatrabaho bilang on-duty roving patrol officer sa EPD headquarters, dakong 1:30 ng madaling araw.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Ang warrant of arrest ay inisyu noong Enero 28, 2019 ni Hon. Don Ace Marlano Alagar, acting presiding judge ng Metropolitan Trial Court Branch 42 sa Quezon City.

Ayon kay Caramat, kabilang si Santos sa mga target persons sa entrapment operation ng anti-scalawag unit sa Marikina City noong Disyembre 10, 2018 sa pangongotong ng P100,000 sa isang alyas Rosana.

Ayon sa CITF chief, kinasuhan si Santos ng administratibo at kriminal para sa paglabag sa RA 7610 (robbery/extortion).

"The case is now pending at the DoJ for preliminary investigation," pahayag ni Caramat.

Dinala si Santos sa CITF headquarters sa Camp Crame, Quezon City para sa dokumentasyon at ikinulong.

Martin A. Sadongdong at Fer Taboy