NABANGGIT ng direktor ng pelikulang Maria na si Pedring Lopez na gusto niyang makagawa ng maraming action movies na babae ang bida, at naumpisahan na nga kay Cristine Reyes.
“Gusto naming ituloy ang Maria saga. If this becomes successful, magkakaroon ng part 2 at part 3. Ganun talaga ang plano,” sabi ni Direk Pedring. “In terms of sa mga action movies na dapat buhayin, siguro sa male, kailangan na natin ng mga batang action star.
“Maria was launched last year sa Hong Kong film market. Doon namin in-announce na may Maria. After ng Philippine market, doon na namin ililibot sa ibang bansa pa.
“Wala kaming political agenda, we just wanna enjoy the film. Siyempre lumaki ako sa Pinoy action, o Hollywood. In a way yes, na rin. We don’t wanna change that. Kumbaga, kung kaya ng lalaki, siguro kaya rin naman ng mga babae,” paliwanag ni Direk Pedring.
Ito rin ang katwiran sa amin ng Viva staff nang tanungin namin kung bakit ginagawa nilang action star ang mga aktres nila. Nauna na si Anne Curtis sa pelikulang Buy Bust, na binili na ng Netflix.
“Kasi gustong ibalik ng Viva ang action movies,” sagot sa amin ng taga-Viva.
Biro namin na isunod na rin nilang gawan ng action movie si Sarah Geronimo.
“Ay iba naman ‘yun, pampa-good vibes ‘yun,” sabi sa amin, sabay kanta ng Kiss Me, Kiss Me in the Morning, na naging soundtrack ng movie ni Sarah last year, ang Miss Granny. Nagkatawanan na lang kami.
Going back to Direk Pedring, natanong namin siya kung bakit sa rami ng artistang babae ng Viva ay si Cristine ang napili niya.
“Noong sinusulat kasi namin ang kuwento ng Maria, namili kami sa mga artista ng Viva. ‘Yung mata kasi ni Cristine, kapag tiningnan mo ‘yung mata niya, fighter talaga. Ang ganda ng built niya ‘tapos hindi siya bato-bato. May muscle pero sexy,” paliwanag ng direktor.
Oo nga, bumagay naman din talaga kay AA (tawag kay Crisitine) ang karakter niya sa Maria. Seksing babae, pero “dangerous”, sabi nga ni Ivan Padilla.
Sa advance screening ng Maria sa UP Film Center nitong Miyerkules, palakpakan ang lahat dahil hindi sila makapaniwala na ang galing-galing pala ni Cristine sa action.
Kaya naman pala ipinagmamalaki niya sa mediacon na ang Maria ang pinakamagandang pelikulang nagawa niya sa buong showbiz career niya.
Nakita namin kay Cristine ang mga galaw at liksing kumilos nina Angelina Jolie, Milla Jovovich, Michelle Yeoh, Uma Thurman, Michelle Rodriguez, Jennifer Garner, at Kate Beckinsale.
Ang galing ng choreography ng fight scenes ng aktres at ang galing niyang humawak ng rifle at .45 caliber, pati paglalagay ng bala. Pero ang forte niya ay ang combat knife at ang kaalaman niya sa mixed martial arts.
Parang mas gusto na naming panoorin si Cristine sa drama-action films kaysa nagpapa-sexy siya katulad sa mga dati niyang pelikula.
Graded B ng Cinema Evaluation Board ang Maria, at habang isinusulat namin ang balitang ito ay hindi pa ito napapanood ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang pelikula, na ang hula namin ay makakakuha ng R-16 without cuts.
Malupit na direktor si Pedring Lopez; wala siyang puso sa mga eksenang pumapatay. Walang isyu sa kanya kung bata o babae ang papatayin sa eksena.
Para sa amin, pinaghalong Kill Bill ni Uma at John Wick ni Keanu Reeves ang Maria ni Cristine, na mapapanood na sa Marso 27, produced ng Viva Films.
-REGGEE BONOAN