“WALA akong pangako na hindi ko tinupad, maliban sa problema ng trapik. Ipinangako ko ang libreng tuition, nandiyan na ang batas. Ipinangako ko ang free universal health care, pinirmahan ko na ang batas. Ano pa ang gusto ninyo? Sinabi kong ipagpapatuloy ko ang Pantawid program. Saan manggagaling ang pondo? Manggagaling ito sa TRAIN (Tax Reform or Acceleration and Inclusion) law,” sabi ni Pangulong Duterte sa campaign rally ng PDP-Laban sa Biñan City, Laguna. Ilagay lang natin sa tamang hulmahan ang winikang ito ng Pangulo.
Sa panahon ng kampanya noong presidential elections, ang mabigat na problema ng taumbayan ay ang peace and order. Nagkalat ang ilegal na droga. Ang krimeng nangyayari noon ay bunsod ng drogang inilalabas sa tao ang pinakamasama sa kanya. Umiwas ang taumbayan sa mga kalye sa takot na masabat nila ang mga lango sa droga. Pero, ang bahay din ay hindi ligtas sa mga ito. Hold-up, pagpatay at panggagahasa ang pangkaraniwang krimeng bumibiktima sa mamamayan, kahit bata.
Ang takot ng taumbayan ang sinakyan ni Pangulong Duterte nang siya ay nangangampanya. Ipinangako niya na lulutasin ang problemang ito sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan. Imposible, ayon sa kanyang mga kalaban. Nang managasa na ang war on drugs ng Pangulo, sa maikling panahon pa lang ng kanyang termino, hindi na mga lango sa droga ang kinakatakutan ng mamamayan, kundi ang mga awtoridad na dapat mangalaga sa kanilang kaligtasan. Eh, ang napakalaking problema, maging mga inosenteng sibilyan ang nadamay sa pagpatay na ginagawa laban sa mga sangkot sa droga.
Natupad ba ng Pangulo ang kanyang pangako na susugpuin niya ang krimen at ilegal na droga sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan? Sa kabila ng marami nang buhay, inosente man o sangkot sa droga, ang ibinuwis sa war on drugs, nananatili pa rin hanggang ngayon ang problema ng peace and order sa bansa. Walang tigil ang pagpasok ng droga sa bansa at hindi masawata ang pagkalat nito. Ginamit pa ang mga pantalan para dito ipasok ang droga na nagkakahalaga ng bilyun-bilyong piso. Patuloy pa rin ang pagpatay sa patuloy na kampanya laban sa droga. Ayon mismo sa Pangulo, lumubha pa ang problemang ito.
Sa presidential debate ng mga kandidato sa pagkapangulo, ipinangako ng Pangulo na ipagtatanggol niya ang karapatan ng bansa sa West Philippine Sea. Mag-isa raw siyang mag-i-ski patungo sa teritoryong inaangkin ng China at itatanim niya dito ang bandila ng bansa. Aba, eh ang naitanim dito ay islang ginawa ng China na naging paliparan at imbakan ng kanyang mga kagamitang pandigma.
Nang ukilkilin ang Pangulo sa kanyang pangako na huwag hayaan ang China na masakop at maokupa ang pinag-aagawang teritoryo dahil kinumpirma ng Arbitral Court ang karapatan ng bansa rito, kaya ba raw natin na makipaggiyera sa China? Ilang beses nang lumalapag ang eroplano ng China sa paliparan ng bansa sa Davao. Ang malaki pang problema ng mga manggagawang Pilipino, sa kanilang bansa mismo, inaagawan sila ng mga Intsik ng trabaho. Lumalabas na nga ang mga Pinoy sa kanilang bansa upang makapagtrabaho sa ibayong dagat sa kakulangan ng trabaho ay hinahayaan pa ang mga Intsik na magtrabaho rito. Nang may magreklamo para sa kapakanan ng mga manggagawang Pilipino, ang mga Intsik pa ang ipinagtanggol ng Pangulo. Ayaw niyang ipagalaw ang mga ito sa takot ng Pangulo na gantihan ng China ang mga Pilipinong nagtatrabaho rito.
Nangako rin ang Pangulo na wawakasan niya ang contractualization. Kaya hindi niya matupad nang lubusan ang pangakong ito, ay dahil pikit-mata niyang ginawa ito nang hindi isinaalang-alang na kailangan ang Kongreso para baguhin ang batas. Ganoon pa man, wala naman siyang inirekomendang bill sa Kongreso para ito ay ipasa at mawakasan ang contractualization. Ito ang mga pangakong nakalimutan ng Pangulo sa anumang kadahilanan.
-Ric Valmonte