Nakapagtala ang Department of Health ng mahigit 1,200 bagong kaso ng human immunodeficiency virus (HIV) sa bansa nitong Enero 2019 lang, kabilang ang 22 binawian ng buhay.

HIV

Ayon sa DoH-Epidemiology Bureau (EB), nangangahulugan ito na umaabot na sa 42 HIV cases na ang naitatala sa bansa araw-araw.

Batay sa datos ng HIV/AIDS at ART Registry of the Philippines (HARP), ang kabuuang 1,248 newly confirmed HIV-positive individuals ay mas mataas kumpara sa 1,021 naiulat noong Enero 2018.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Nabatid na 16 porsiyento, o 196 sa mga bagong kaso, ay may clinical manifestations ng advanced HIV infection nang ma-diagnose ito.

Kabilang umano sa mga bagong biktima ang walong buntis, na ang apat ay mula sa Metro Manila, habang ang apat pa ay mula naman sa Ilocos Region, Western Visayas, Central Visayas, at Eastern Visayas.

Nananatili naman umanong ang sexual contact ang pangunahing dahilan ng pagkahawa ng sakit, na may 1,223 pasyente, o 98% ng kabuuang bilang.

Pinakamaraming naitalang bagong kaso ng sakit sa Metro Manila (402 kaso), kasunod ang Calabarzon (228), Central Luzon (114), Central Visayas (97), at Western Visayas (92).

Ayon sa DoH, sa kabuuan ay mayroon nang 63,278 kumpirmadong kaso ng HIV sa Pilipinas, mula nang simulan ang monitoring noong 1984.

Mary Ann Santiago