NITONG nakaraang linggo, sinabi ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año na makikipagpulong siya sa mga opisyal ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Dangerous Drugs Board bago isapubliko ang mga pangalan ng mga pulitikong may koneksiyon sa mga sindikato ng droga. Sisiguruhin niya raw na ang listahan ay maingat na rerepasuhin, ayon sa utos ni Pangulong Duterte. Wala naman daw nakikitang masama si Mayor Sara Duterte na ilathala ang listahan, basta iyong mga pulitikong nasa listahan ay bigyan lang ng pagkakataon na sagutin ang bintang sa kanila. Ayon naman sa Malacañang, bahala na ang DILG at PDEA kung ilalabas nila sa publiko ang listahan.
“Iyong pangamba na mawawalan ng halaga ang presumption of innocence, mayroon namang remedyo sa Korte. Kung sa akala mo ay siniraan ka ng puri, magdemanda ka,” sabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo sa mga mamamahayag. “Kung iuutos ng Pangulo na ilathala ang narcolist, susuportahan ko ang kanyang desisyon,” wika naman ni General Oscar Albayalde, chief ng Philippine National Police (PNP).
Maitanong nga natin sa Pangulo at sa kanyang anak na si Davao City Mayor Sara Duterte: Kapag mayroong kandidato ang PDP-LABAN at Hugpong ng Pagbabago na nasa narcolist, kasama rin ba itong ihahayag? Madaling ipagkaila ng dalawa na wala silang kandidato na may koneksyon sa mga sindikato ng droga o kahit man lang sangkot sa droga. Ikakatwiran nila na polisiya nga ng administrasyon na labanan ang droga, kaya isa sa mga paraan ng pagsupil dito ay huwag mailagay sa kapangyarihan ang sinumang sangkot dito. Ang napakalaking problema ay sila lang at iyong inatasan nilang gumawa ng listahan ang nakaaalam ng laman nito. Kung sa pagrerepaso nila ng listahan, bago ilabas sa publiko ay may nakita silang kakampi na nasama rito, napakadali para sa kanilang burahin ang kanyang pangalan.
Hindi ako naniniwala na isang grupo lang ang sangkot sa droga. Kung totoo kasi ito, sa paraan ni Pangulong Duterte ng paggamit ng kamay na bakal, baka sa ngayon ay tumigil na ang pagkalat ng droga. O kaya, nanahimik muna ang mga nagnenegosyo o kumikita sa droga habang mabagsik na naninibasib ang war on drugs ng Pangulo. Pero noong kabagsikan ng pagpapairal ng war on drugs, na marami nang napatay at nangyari pang sa isang gabi lang ay 38 ang nasawi, eh bultong shabu na nagkakahalaga ng bilyong piso ang pumasok pa sa bansa, sa pamamagitan ng pantalan gamit ang improvised magnetic lifter. Sa ngayon, bultu-bulto at bilyun-bilyong pisong halaga ng mga droga ang nakukuha ng awtoridad sa karagatan. Ang Pangulo mismo ang nagsabi na lumala na ang problema sa droga. Kaya hindi lamang ang kalaban sa pulitika ang nasa droga.
Sa kabilang dako, kahit wala sa listahan, kung kalaban naman ay napakadali ring idagdag ang kanyang pangalan. Maaaring sa ngayon, alam na ng administrasyon kung sino sa mga pulitiko, nasyonal man o lokal na kandidato, ang nagbibigay sa kanya ng problema.
Pero ayon kay Sen. Sherwin Gatchalian, ang narcolist ay hindi gaanong epektibo para matalo ang isang kandidato. Malapit siya, aniya, sa tao at mayroon itong salapi na magpapanalo sa kanya. Tama ang senador kung ang eleksyon natin ay bilangan at paramihan lang ng boto. Pero may isinasaalang-alang si Commission on Human Rights Spokesperson Jacqueline de Guia sa pagtutol nito sa pagpapalabas ng narcolist. “Ang huling bagay na nais nating mangyari ay ang pagsabog ng karahasan sa panahon ng halalan na siyang pangkaraniwang nangyayari,” wika niya. Kapag ikaw ay nasa narcolist, nakabukas ka na sa lahat ng panganib na nagbubuhat sa lahat ng direksyon. Gagawing napakahirap ng narcolist ang halalan para sa kalaban ng administrasyon. Death warrant ito sa kanila.
-Ric Valmonte