NANANAWAGAN ang Biodiversity Management Bureau (BMB) ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa lahat ng sektor na higit pang tumulong sa pag-aalaga ng wildlife sa bansa at pagprotekta nito mula sa ilegal na bentahan, pagkasira ng kalikasan at iba pang banta.

“Humans, being the highest form of life, are tasked to protect, conserve and properly manage other forms of life,” pahayag ni BMB Director Crisanta Marlene Rodriguez nitong Martes, sa pagdiriwang ng 2019 World Wildlife Day (WWD) sa Quezon City.

Aniya, anumang pagkasira o pagkawala ng halaman at mga hayop ay may kaakibat na epekto sa biodiversity at ecosystem na nagbibigay ng pagkain, hilaw na materyales, proteksiyon mula sa anumang element, at iba pang benepisyo.

Bahagi naman ng pagdiriwang ang pagbibigay ng Wildlife Law Enforcement Award, ang taunang opisyal na pagkilala ng BMB at Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa mga sektor at samahan na may mahalagang ambag sa pagpapatupad ng batas at panuntunan sa wildlife.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Pinangunahan nina Rodriguez, DENR Assistant Secretary Ricardo Calderon at USAID project representative Randy Vinluan ang pagbibigay ng karangalan ngayong taon para sa 44 na tauhan ng Bureau of Customs (14 awardees), National Bureau of Investigation (21 awardees), Philippine National Police (anim na awardees), Department of Agriculture (isang awardee), at probinsiya ng Cebu (dalawang awardees).

“Wildlife law enforcement isn’t just the work of DENR but of different agencies as well,” pahayag ni Calderon.

Ang sama-samang aksiyon ay mahalaga lalo’t ang illegal wildlife trafficking ay isang multi-million dollar na aktibidad na kinasasangkutan ng ipinagbabawal na kalakalan na nagaganap sa mga border ng bansa, aniya.

Kabilang sa mga napagtagumpayan ng mga kinilala ngayong taon ang pagkakaaresto ng 15 wildlife crime perpetrators, gayundin ang pagkakakumpiska ng 2,214 na iba’t ibang klase ng wildlife, 3,400 plant pieces at higit 115 kilo ng hilaw at lutong karne ng marine turtle na nagkakahalaga ng halos P57 milyon, pagbabahagi ng BMB.

Nakatulong din umano ang operasyon ng mga awardees sa pagsasampa ng pitong kaso laban sa 15 suspek kung saan naresolba na ang isa.

Nasa 365 na tao na ang nakatanggap ng Wildlife Law Enforcement Award sa nakalipas na limang taon, ayon pa sa BMB.

Bukod sa pagiging isa sa Sustainable Development Goals, ang ‘Life below water: for people and planet’ tema ngayong taon ng taunang WWD.

Ayon kay Rodriguez, ito ang unang pagkakataon na tumuon ang WWD sa mga lamang-dagat.

“The celebration underscores importance and value of marine wildlife to our day-to-day lives,”aniya.

Ang ilegal, walang permiso at walang regulasyong pangingisda at iba pang aktibidad ng tao ang ilan sa mga banta sa Philippine marine species, giit niya.

“Life below water now faces danger,”paalala niya.

PNA