Magpapatupad ang Meralco ng siyam na sentimong dagdag-singil sa kada kilowatt hour ngayong Marso.
Ayon sa Meralco, nangangahulugan ito na ang mga consumers na nakakagamit ng 200 kWh sa isang buwan ay magkakaroon ng P18 dagdag sa kanilang bayarin sa kuryente ngayong buwan.
Nasa P26 naman ang dagdag sa mga nakakakonsumo ng 300 kWh, P36 sa nakakagamit ng 400 kWh, at P45 naman ang madadagdag sa bayarin ng mga consumers na nakakagamit ng 500 kWh kada buwan.
Sinabi ng Meralco na kung ang generation charge at iba pang charges lang ang pagbabatayan ay bababa pa sana ng P0.31/kwh ang bayarin.
Gayunman, tumaas umano ang taxes dahil nawala na ang refund na P0.38/kWh na ibinalik ng Meralco sa mga bills noong Enero at Pebrero, para sa sobrang nakolekta para sa Universal Charge-Stranded Contract Costs, kaya sa halip na bumaba ay bahagya pang tumaas ang singil ngayong buwan.
Nabatid na ang generation charge at iba pang charges ay bumaba ng 31 sentimo, ngunit tumaas naman ng dalawang sentimo ang transmission, habang ang taxes ay umakyat ng mahigit 38 sentimo.
Kaugnay nito, pinayuhan ng Meralco ang mga consumers na magtipid ng kuryente sa mga susunod na buwan, o mula Marso hanggang sa kalahatian ng Hunyo, dahil sa inaasahang pagsipa ng konsumo ng kuryente kaugnay ng tag-init.
Inaasahan din ng Meralco tataas din ang bayarin sa kuryente sa mga nasabing buwan dahil sa paglakas ng konsumo nito.
Aminado rin ang Meralco na mahirap ideklarang hindi magkakaroon ng mga brownout sa buong summer season dahil hindi naman umano nila hawak ang generation, transmission at demand surge ng consumers.
Gayunman, tiniyak nito na nakakasa na ang interruptible load program (ILP) ng Meralco para bawas sa load ng kuryente.
Samantala, tiniyak din ng Meralco na hindi kakapusin ang supply ng kuryente sa midterm elections sa Mayo 13.
Kaugnay nito, inaasahang mababawasan ng P1 ang singil sa kada kWh kapag naging ganap nang batas ang Murang Kuryente Bill, na inaprubahan na kahapon sa bicameral conference.
Ayon kay Senator Sherwin Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Energy, agad nilang isusumite sa Palasyo ang pinagtibay na panukala upang malagdaan na ng Pangulo, at sa loob ng tatlong buwan ay makakamtan na ang pagbaba sa singil sa kuryente.
Layunin ng Murang Kuryente Bill na kumuha ng pondo mula sa Malampaya Fund para ipambayad sa utang ng National Power Corporation at Power Sector Assets and Liabilities Management, na umabot na sa P466 bilyon at pinapasan ng mga consumer.
Aabot sa 16 na milyong consumer ang makikinabang dito.
-Mary Ann Santiago at Leonel M. Abasola