NAUUNAWAAN natin ang kagustuhan ng ilang opisyal ng administrasyon hinggil sa pagsisiwalat ng listahan ng mga lokal na opisyal na pinaniniwalaang sangkot sa operasyon ng ilegal na droga. Napakalala na ng problema ng bansa sa droga na lahat ng maaaring paraan ay susubukan upang masolusyunan ito at maiahon ang Pilipinas mula sa pagkalulong na dulot ng mga drug lords.
Ngunit mayroon pa rin tayong batas na kailangang sundin sa pagsisikap na malabanan ang panganib ng droga. May mga paraan at proseso na kailangang ipatupad bilang bahagi ng pangkalahatang sistema ng angkop na proseso sa ating pamahalaan. Kaya naman, kapag ang isang opisyal—o ang sinumang mamamayan—ay natuklasang sangkot sa kalakalan ng ilegal na droga, nararapat lamang na siya ay maimbestigahan at kasuhan kung nakapagtatag ang imbestigasyon ng isang kaso na titindig sa korte.
Ipinahayag ng Department of Interior and Local Government, na pinamumunuan ni Secretary Eduardo Año, na malapit na nitong isapubliko ang listahan ng mga lokal na opisyal—mga mayor at vice mayor, gobernador at bise gobernador, at mga kongresista—na umano’y sangkot sa droga. Matagal nang sinabi ng pamahalaan na mayroong listahan ng “narco-politicians” ngunit hindi ito inilabas kailanman.
Ngayon, iminumungkahi na ilabas na ang listahan dahil marami na kabilang sa listahan ang napaulat na tumatakbo para sa reelection sa nakatakdang halalan sa Mayo. Isa itong mahalagang rason—ang mailayo ang mga narco-politician mula sa opisina at kapangyarihan.
Plano ng DILG na ilabas lamang ang listahan, sa malinaw na hangaring mailayo o tanggihan na ng mga botante ang mga nakalistang pulitiko. Dahil dito, kung sakaling mailabas ang listahan ng walang paunang kasong naisampa, maaaring makasuhan ng libelo ang mga opisyal ng DILG, ayon kina Senator Lacson at Gordon.
Hinikayat din ng Commission on Elections (Comelec) ang pamahalaan na magsampa ng kaukulang kaso, upang makaaksiyon ang Comelec, katulad ng pagdidiskuwalipika ng mga kandidatong nasa listahan. Kung walang opisyal na aksiyon ng kaso ang maihahain, sinabi ni Commissioner Rowena Guanzon, na maaaring balewalain lamang ito ng Comelec. At sa kalalabasan ng kampanya sa halalan, maaaring magkaroon ng karahasan lalo’t ang hindi napatunayan at hindi naisampang kaso sa droga ay tiyak na magdudulot ng pagkakahati at pag-init ng mga botante.
Ayon sa Philippine Drig Enforcement Agency (PDEA), mayroong 83 pulitiko sa listahan, kung saan anim ang inirekomendang tanggalin kung maaaprubahan ni Pangulong Duterte. Hanggang lahat ng kaso ay maberipika upang maisampa ang kaukulang kaso, sinabi ni Senador Lacson, na mananatiling hindi balido ang listahan at magagamit lamang para sa imbestigasyon.
Pinakamainam na sumunod at manatiling nakaayon sa batas sa bagay na ito. Isampa muna ang kaso at iwasang maakusahan ng pamumulitiko. Sundin ang nararapat na proseso sa pangkalahatang kampanya ng bansa laban sa ilegal na droga.