“YAAN” ang terminong ginagamit sa Cebu City hinggil sa listahan ng mga pangalang handang maglako sa darating na halalan. Ito ay maitim na nakagawian na ng ilang mga kandidato para manalo sa eleksyon.
Sa murang halaga, P50, P100, o P500 hanggang P2,000, ang ika nga ay “bigayan” depende sa tinatakbuhang posisyon. Halimbawa, kung nais mong makasungkit ng 150,000 dagdag boto sa P100 pisong palitan, tumataginting na P15 milyon ang tatagas sa bulsa ng kandidato. Malayo pa man ang mismong eleksyon, bawat kandidato ay nagkakandarapa nang makapanulot ng mga lider. Sila ang mga taong inaasahan ng kandidato na magluluwa ng iba’t ibang listahan ng kanilang mga canvassers. Bukas-loob nilang ipinagpapalit at ibinebenta ang kanilang kaluluwa, kasabay ng ating demokrasya, sa mga tiwaling pulitiko.
Pera-pera na lang ang proseso na dapat sana ay malayang halalan. Ang kalayaan na binuwisan ng buhay ng ating mga bayani at ninuno nang sa gayon ay matamasa ang tunay na kasarinlan laban sa mga dayuhang mananakop. ‘Yun pala, ang papalit sa “pananakop” ng mga dayuhan ay “pananakop” ng mga pulitikong kapwa Pilipino na isinangla ang budhi kay Satanas para lang magwagi o manatili sa kapangyarihan.
Sa kasalukuyang kalakaran, mas malala na ang bawal na “vote buying” sa halalan. Kailangan na talaga ang malakihang pondo para lang makasilat ng puwesto sa araw ng paghuhukom sa mga voting precinct. Hindi tulad noon na kahit ipit sa pera basta matalino, may pangalan at kakayahan, ay mismong ang taumbayan ang nagdadala sa kandidato tungo sa kapangyarihan.
At ano ba ang ginagawa ng Commission on Elections (Comelec)? Puro baklas ng poster ang inaatupag. Smartmatic ang kabiyak. At pagkatapos ng botohan, pag-iinitan naman ang Statement of Campaign Contributions and Expenses (SOCCE). ‘Di ba nga may batas ukol sa halaga ng pera na maaari lamang gastusin ng kandidato? Kaya lang, ang tunay na suliranin ng ating halalan ay walang nahuhuli at nakukulong na mga kandidato at canvasser na nandaya sa mga nakalipas na eleksyon.
-Erik Espina