NASA mesa na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Senate Bill 1397 matapos itong aprubahan sa ikatlong pagbasa ng Mataas na Kapulungan kamakailan.

Ang SB 1397o mas kilala bilang ‘Motorcycle Crime Prevention Act of 2017,’ ay may layuning mapaigting ang anti-criminality operation ng pamahalaan laban sa mga tinaguriang ‘motorcycle riding suspects’ na karaniwang sangkot sa malalagim na krimen tulad ng pagpatay at mga nakawan.

Alam na natin na ang motorsiklo ang pinakakumbinyenteng get-away vehicle ng mga kawatan sa mga panahong ito.

Sa pananaw ni Sen. Richard Gordon at Sen. Vicente Sotto III na may akda ng panukalang batas, sa pamamagitan ng pagpapalaki sa mga plaka ng Land Transportation Office (LTO) na ikakabit sa mga motorsiklo, mas madaling maiispatan ang mga MRS.

Itatatak sa mga pinalaking motorcycle license plate ang mas malalaking imahe ng numero at letra na maaaring mabasa sa distansiyang mula 12 hanggang 15 metro.

Ito ay kahalintulad halos ng laki ng mga plaka na ginagamit ngayon ng mga motorsiklo sa Europe.

Para sa mga big bike, maganda ang itsura ng malaking plaka na ikinakabit sa likuran ng mga motorsiklo.

Subalit iba na ang usapan kung ito ay ilalagay sa likuran ng scooter o underbone.

Isa pang isinusulong sa naturang panukala ay lagyan din ng kasing laking plaka ang harapan ng motorsiklo.

Dito na pumapalag hindi lamang ang mga may-ari ng motorsiklo ngunit maging ang mga motorcycle manufacturer dahil hindi idinesenyo ang mga motorsiklo dito para lagyan ng plaka sa harapan.

Anila, ito ay maaaring kumalas sa pinagkakabitan nito kapag matulin ang takbo ng motorsiklo.

Maaari rin itong lumipad sa mukha ng rider sakaling salpukin ng mas malaking sasakyan ang harapan ng motorsiklo.

Sa mga aspetong ito, ang inaprubahang panukala ng Senado ay kakaiba sa sinang-ayunan ng Mababang Kapulungan.

Sa House version, payag ang mga kongresista na maglagay na lang ng sticker kung saan nakasaad ang mga detalye ng license plate sa likuran ng motorsiklo, imbes na gumamit ng malaking plaka.

“Nasa inyo na ngayon ang bola, mga rider at motorcycle manufacturer,” ani ni Rep. Cesar Sarmiento, chairman ng House Committee on Transportation.

“Dapat ay gumawa na kayo ng hakbang upang makumbinsi ang Pangulong Duterte hinggil sa isyu na ito,” dagdag niya.

Si Pangulong Duterte ay kilalang mahilig sa motorsiklo.

Maging ang kanyang anak na si Davao City Mayor Sarah Duterte ay panay din ang ride ng kanyang big bike.

Pipirmahan kaya ni President Digong ang SB 1397?

-Aris Ilagan