NANGAKO na naman ang United States na ipagtatanggol ang Pilipinas kapag ito ay inatake sa South China Sea (SCS) o West Philippine Sea (WPS). Ang pangako ay ginawa ni US State Secretary Mike Pompeo nang siya’y bumisita sa bansa at nakipagkita kina Pres. Rodrigo Roa Duterte at Foreign Affairs Sec. Teodoro Locsin Jr.

Ang pagtatanggol sa Pilipinas, ayon kay Pompeo, ay pagtupad sa US commitments sa ilalim ng 1951 Mutual Defense Treaty (MDT) sa pagitan ng Pilipinas at ng US. Ang pag-atake sa PH ay para na ring pag-atake sa US. Totoo ba ito?

Dahil ang SCS-WPS ay bahagi ng karagatan ng Pacific, sinabi ni Pompeo na anumang armadong pagsalakay ng dayuhan, kabilang ang China, sa mga puwersa ng ating bansa, eroplano at sasakyang-dagat ay magiging dahilan sa mutual defense obligations na idepensa ang PH sa ilalim ng Article 4 ng MDT.

Sa panig ni DFA Sec. Teodoro Locsin Jr. sinabi niya na hindi dapat repasuhin o baguhin ang 68-year old security pact sa pagitan ng Pilipinas at ng US. May mga nagmumungkahi kasi na repasuhin ang MDT at ipawalang-saysay dahil kulang naman sa tulong ang gobyerno ng Amerika sa gobyerno ng Pilipinas. ‘Di ba noon ay nangako na si ex-US Pres. Obama?

Sa pakikipagpulong ni Pompeo kay Locsin, tinalakay niya ang mga isyu tungkol sa human rights, kahalagahan ng malayang pamamahayag (free press), at due process. Parang ipinahihiwatig ni Pompeo na nag-aalala ang US sa mga isyung ito.

Ganito ang kanyang pahayag: “I do this in my travels everywhere we go. Our expectations for countries to observe the rule of law is fundamental to America, so we have this conversation that happens.” Malinaw na may pinatatamaan si Pompeo hinggil sa problema ng PH sa human rights, free press, due process at rule of law. Hoy, Pompeo, mag-ingat ka at baka murahin ka ng aming Pangulo.

oOo

Kung si dating presidential spokesman Harry Roque ang paniniwalaan, laganap pala ang lobbying at suhulan (bribery) sa Kongreso na kagagawan ng mayayamang negosyante. Si Roque ay dating kongresista bago kinuha ni PRRD na maging tagapagsalita. Ayon sa kanya, nasaksihan niya ang paglo-lobby at panunuhol ng mga negosyante sa mga kasapi ng Kamara o House of Representatives (HOR) upang sila’y paboran sa pagnenegosyo kapag nanalo ang kanilang sinuportahan.

Komento ng kaibigang palabiro-sarkastiko-pilosopo: “Nilapitan ka rin ba ng mga negosyante Mr. Roque? Inalok ka rin ba ng suhol? Tumanggap ka ba o tinanggihan mo ang milyun-milyong pisong alok?” Ayon kay Roque, ang isang kandidato sa pagka-senador ay nangangailangan ng minimum na P500 milyon upang maging epektibo ang kampanya at tsansang manalo.

Si Roque ay umatras sa pagtakbo sa pagka-senador bunsod ng health reasons. Hindi niya sinabi na kulang siya sa pondo. Ayon sa mga mapanuri at analysts sa larangan ng pulitika, umurong daw si Roque sa 2019 midterm elections dahil malayung-malayo siya sa listahan ng Magic 12 batay sa mga survey ng SWS at Pulse Asia.

Sabi nga ng marami, ang kailangan ngayong ihalal ay mga kandidatong tatayo, magsasalita, at magtatanggol sa bayan at mga mamamayan. Sa panahon ngayon ng pananakot, hindi dapat iboto ang mga duwag, malamya at madaling takutin.

-Bert de Guzman